Duterte payag sa paggamit ng saliva test

Sinabi niya sa isang public briefing noong Lunes na siya mismo ay hindi komportable sa swab test na ginagawa gamit ang RT-PCR testing.
Walter Bollozos, file

MANILA, Philippines — Pabor si Pangulong Rodrigo Duterte sa paggamit ng saliva test para masuri kung ang isang tao ay tinamaan ng COVID-19.

Sinabi niya sa isang public briefing noong Lunes na siya mismo ay hindi komportable sa swab test na ginagawa gamit ang RT-PCR testing.

“Ako talaga everytime na kinukulikot iyong ilong ko, nagmumura ako kasi masakit. I have to open my mouth wide. Pero may bago daw ... ang swabbing sa saliva at 99 percent [accurate]. O e ‘di iyan na gagamitin natin,” aniya.

Matatandaang sinabi ng Philippine Red Cross na mas mura ang saliva test na ginagamit rin sa ibang bansa dahil hindi na kailangan ang health worker para kumuha ng saliva samples.

Nasa 99 percent din umanong effective ang saliva test sa pag-detect ng COVID-19.

Pero sabi ni Health Usec. Rosario Vergiere, hindi pa kumpleto ang pag-aaral hinggil sa paggamit nito. Nirerekomenda muna nila sa Philippine Red Cross na tapusin ang ginagawa nitong pag-aaral bago sabihin ng DOH kung angkop itong gamitin sa bansa.

Show comments