MANILA, Philippines — Inaasahang aabot sa 110.88 milyon ang populasyon ng mga Pilipino sa pagtatapos ng taong 2021.
Ito ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM) ay may pagtaas ng 1.4 milyon mula sa 109.48 milyong Pilipino sa pagsisimula ng 2020.
Ayon kay POPCOM executive director Juan Antonio Perez III, ang populasyon sa susunod na taon ay maaari pang tumaas ng hanggang 111.1 milyon depende sa epekto ng COVID-19 pandemic dahil sa panahong ito ay hindi na nasusunod ang family planning dahil sa quarantine ay palagiang nasa bahay ang mag-asawa.
Sinabi ni Perez na ang bilang ng mga kababaihan na nasa reproductive age na nasa 15-49 anyos ay tataas ng 337,193 sa 2021.
Sinabi ni Perez na dahil sa pagdami ng populasyon, kailangang makalikha ang pamahalaan ng halos kalahating milyong trabaho sa susunod na taon upang mapunan ang pangangailangan ng bawat mamamayan para mabuhay.
Tinaya rin ni Perez na tataas din ang bilang ng mga senior citizens sa bansa ng may 10 million sa 2021 o 9.07% ng populasyon ng bansa.
Ang pagtaya ng POPCOM ay batay sa geometric-method projections gamit ang huling population census na isinagawa ng Philippine Statistics Authority noong 2015.