^

Bansa

PNP plano resolbahin 'sa loob ng 30 araw' kaso ng pulis sa viral Tarlac shooting

Philstar.com
PNP plano resolbahin 'sa loob ng 30 araw' kaso ng pulis sa viral Tarlac shooting
Makikita sa litratong ito ang pamamaslang na nakunan sa video, bagay na ginawa ni Police SMSgt. Jonel Nuezca sa harap mismo ng kanyang menor de edad na anak, ika-20 ng Disyembre, 2020
Video grab mula Facebook ni Ronjie Daquigan, konsehal mula Gerona, Tarlac

MANILA, Philippines — Papapaspasan daw ng pamunuan ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang pagsasara ng kaso ng kontrobersiyal na pamamaslang ng isang pulis-Parañaque sa dalawang 'di armadong kapitbahay sa Paniqui, Tarlac.

Linggo nang mangyari ang pamamaril na nagsimula sa away sa boga at "right-of-way," bagay na kumalat sa social media. Pinaputukan ni Police SMSgt. Jonel Nuezca sa ulo sina Sonya Gregorio (52-anyos) at anak na si Frank Anthony Gregorio (25-anyos) nang malapitan matapos ang tangkang pag-aresto sa ikalawa.

Basahin: Pulis na viral sa pamamaril ng 2 dahil sa 'boga' sumuko; kasong double murder inihahanda

"Mamadaliin natin ang kaso kasi pag tumagal, lugi po, aggrieved na po ang biktima kasi justice delayed, justice denied. Lugi din ang gobyerno kasi siya ay sumasahod kasi meron tayo sa batas ng presumption of innocence until proven guilty," ani PNP-IAS Inspector Gen. Alfegar Triambulo sa panayam ng TeleRadyo, Martes.

"Ngayon susubukan naming tapusin ng 30 days 'yan. Nandito ako papunta ng Tarlac para personal na i-monitor ang takbo ng kaso."

Kahapon lang nang makitaan ng "probable case" para i-charge ng dalawang counts ng murder ng Tarlac City prosecutors si Nuezca dahil sa insidente. Inirekomenda nilang huwag payagang makapagpiyansa ang salarin. Hiwalay ang mga kasong ito sa kaso na hawak ng IAS.

Ayon pa kay Triambulo, madidiskwalipika sa serbisyo publiko si Nuezca kung mapatutunayang nagkasala at mawawalan ng lahat ng benepisyo — maliban sa conversion ng leave sa pera.

May kinalaman: Sinas pinagbibitiw ng solon 'kung PNP hindi marereporma' matapos ang Tarlac shooting

Basahin: 'Sobra ginawa mo': Maine Mendoza, celebs binanatan viral na pamamaril ng pulis sa Tarlac

"'Yung kaniyang video ay malaki po 'yung bagay, punto kasi 'di po yan nagsisinungaling. Sabi nga 'yung picture or video na yan speak a thousand words," dagdag pa ni Triambulo.

Una nang kinundena ng pamunuan ng PNP at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang insidente, ngunit tiniyak sa publikong "isolated case" ito kung kaya't hindi raw dapat lahatin ang mga pulis.

Duterte: Bihira ang ganyang pulis, may topak 'yan

Umani nang matinding batikos online ang nangyari, na nagpwersa na rin kay Pangulong Rodrigo Duterte magsalita tungkol dito kagabi.

Ayon kay Digong, mali ang nangyari ngunit hindi naman daw ito karaniwang gawain ng karaniwang alagad ng batas.

"Alam mo bihira kang makakitang ganito and you can only find this in people who are crazy. May topak sa ulo ['yan]," sambit niya sa isang talumpati, Lunes ng gabi.

"Ako, nangbubugbog ako kasi may kasalanan ka pero hindi ako nagbabaril ng tao... This is just one of those things na ‘yang mga bad breaks sa buhay ng tao. Hindi ito ginagawa ng ano... May topak talaga... putangina niya."

Basahin: 'Isolated incident': Despite Tarlac killings, no policy changes in PNP ahead

Nobyembre 2017 lang nang banggitin ng presidente na hindi niya papayagang makulong ang sinumang pulis o sundalo basta't ginagawa lang nila ang kanilang tungkulin.

Ika-3 ng Disyembre naman nang sabihin ng pangulo ang sumusunod: "Do your duty. Do it in accordance with law pero be alert and be wise. Alam mo kaunting pagkamali lang, barilin mo na." — James Relativo

PANIQUI

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

RODRIGO DUTERTE

TARLAC

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with