MANILA, Philippines — Libu-libong biktima ang iniwan ng noo'y Tropical Depression "Vicky" matapos nitong manalasa noong nakaraang linggo sa Visayas at Mindanao — isang sama ng panahong kalalabas lang ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ito ang kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa kabuuang pinsala ng bagyo sa isang ulat ngayong Lunes.
"A total of 8,924 / 36,030 persons in 149 barangays in Regions VII, VIII, XI and CARAGA were affected due to TD 'Vicky,'" ayon sa NDRRMC.
"Of which, 3,815 families / 15,803 persons are being served insides 123 [evacuation centers] while3 2,266 families / 8,286 persons are served outside ECs."
Kumpirmadong patay din sa pagbayo ng bagyo ang walong katao, maliban pa sa dalawang sugatan at isang nawawala.
Patay:
- Region VIII (2)
- Region XI (1)
- CARAGA (5)
Sugatan:
- Region XIII (2)
Nawawala:
- CARAGA (1)
Umabot sa 88 kabahayan ang napinsala ng bagyo sa Region VII at CARAGA: 65 wasak na wasak, 23 bahagyang napinsala.
"A total of 110,400,000.00 worth of damage to roads and flood control were reported in Regions V and CARAGA due to TD 'VICKY,'" dagdag ng NDRRMC.
Bagama't una nang lumakas at naging tropical storm, humina uli para maging tropical depression sa labas ng PAR.
Huling namataan ang bagyong "Vicky" 210 kilometro timog timogkanluran ng Kalayaan, Palawan bandang 10 a.m. at may dalang hangin na aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna.
May dala pa itong bugso na papalo ng 70 kilometro kada oras, ngunit ibinaba na ang lahat ng tropical cyclone wind signal sa Pilipinas.