Palasyo sinuspinde ang pasok sa gobyerno, klase sa Metro Manila at ilang rehiyon dahil kay Ulysses
MANILA, Philippines — Sinuspinde kahapon ng Malacañang ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno at klase sa National Capital Region at ilang rehiyon na daraanan ng Bagyong Ulysses.
Bukod sa NCR, iiral ang suspensiyon sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon (CALABARZON); Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan (MIMAROPA); Region V at Cordillera Administrative Region.
Sa Memorandum Circular No. 82, na pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ang suspensiyon ay inirekomenda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) epektibo alas-3 ng hapon kahapon hanggang Huwebes, Nobyembre 12.
Hindi kasama sa suspensiyon ang mga ahensiya na nagbibigay ng basic at health services, preparedness at response sa disasters at kalamidad at mahahalagang serbisyo na kailangan kapag may bagyo.
Ipinauubaya naman sa “respective heads” ang suspensiyon ng pasok sa mga pribadong kompanya, tanggapan at eskuwelahan.
- Latest