Bagyong Siony severe tropical storm na, halos hindi gagalaw ng 12 oras
MANILA, Philippines — Lalo pang lumakas ang bagyong Siony at tuluyan nang naging isang severe tropical storm ayon sa pinakabagong ulat ng PAGASA, Miyerkules.
"Tumindi pa't naging severe tropical storm si 'Siony' bandang 2 p.m. ngayong araw," ayon sa pahayag ng state weather bureau Miyerkules nang hapon, sa Inggles.
"Tinatayang lalakas pa ito at magiging typhoon bago mag-landfall o lumapit sa dulong Hilagang Luzon at maaaring maabot ang 'peak intensity' na 125 kilometro kada oras."
Namataan ang mata ng Severe Tropical Storm Siony 735 kilometro silangan ng Basco, Batanes kaninang 4 p.m. at may dalang hangin na may lakas na aabot ng 95 kilometro kada oras malapit sa gitna.
Meron din itong bugsong papalo nang hanggang 115 kilometro kada oras at kumikilos pahilaga nang mabagal.
"Tinayang kikilos ito nang mabagal o halos hindi gagalaw sa susunod na anim hanggang 12 na oras. Matapos nito, tutungo ito pakanluran o kanluran-hilagangkanluran patunong Luzon Straight at Extreme Northern Luzon," dagdag pa ng PAGASA.
Dahil diyan, posibleng sumalpok o lumapit nang husto si "Siony" sa Batanes at Babuyan Islands sa pagitan ng Huwebes at Biyernes nang umaga. Malaki ang posibilidad na mag-landfall ito roon.
Sa ngayon, nakataas pa rin ang tropical cyclone wind signal (TCWS) no. 1 sa mga sumusunod na lugar:
- hilagangsilangang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga)
- silangang bahagi ng Babuyan Islands (Balintang Isl., Babuyan Isl., Didicas Isl. at Camiguin Isl. kasama ang kanilang adjoining islets)
Ilan sa magiging epekto ng signal no. 1 sa mga nasabing lugar ay:
- kaonting-kaonti o halos walang pinsala sa low risk structures
- kaonti hanggang katamtamang pinsala sa high risk structures
- bahagyang pinsala sa ilang bahay na gawa sa magagaang materyales
- malaking pinsala sa mga pananim gaya ng palay lalo na kung nasa "flowering stage"
Kaugnay niyan, mararamdaman ang malalakas na hangin hanggang "gale-force winds" na may matataas na bugso sa Batanes, Babuyan Islands at hilagang baybayin ng Cagayan at Ilocos Norte sa susunod na 24 oras bunsod ng northeasterlies na pinalakas ng Tropical Stom Rolly at Severe Tropical Storm Siony.
Batay sa lahat ng metrorological data, signal no. 3 ang pakamataas na TCWS na itataas kaugnay ng bagyong Siony.
- Latest