‘Quinta’ humagupit sa Bicol

MANILA, Philippines — Tuluyan nang na­nalasa sa Bicol Region ang Bagyong Quinta dahilan para isailalim sa Signal No. 3 ang ilang bayan dito, kahapon.

Alas-6:15 kagabi nang mag-landfall ang bagyo sa San Miguel, Albay.

Si Quinta ay may lakas ng hangin na 130 km kada oras at bugso na 160 kph at kumikilos sa bilis na 25 kph.

Nasa Signal No. 3 ang Catanduanes, eastern portion ng Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Burias at Ticao Islands.

Signal No. 2 naman sa Camarines Norte, ibang bahagi pa ng Camarines Sur, Masbate, central at southern portions ng Quezon, southeastern portion ng Laguna, Batangas, Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro kabilang ang Lubang Island at Northern Samar.

Nakataas ang signal No. 1 sa Metro Manila, iba pang bahagi ng Quezon at Laguna, Rizal, Cavite, Bulacan, Pampanga, Bataan, southern portion ng Zambales, Calamian Islands, northern portion ng Samar, northern portion ng Eastern Samar, northern portion ng Capiz, Aklan, northern portion ng Antique at northeastern portion ng Iloilo.

Ayon sa PAGASA, lalo pang lalakas ang bagyo habang binabagtas ang bahagi ng West Philippine Sea.

Bunsod nito, libu-libong katao sa Bicol ang inilikas kahapon.

Ayon kay Cedric Daep, hepe ng Albay Public Safety and Emergency Management Office, ang mga inilikas na pamilya ay nanganganib sa landslides, flash floods, storm surge, at lahar.

Ang mga evacuees ay galing sa mga lugar ng Guinobatan, Albay at Canaman, Camarines Sur.

Nakatakda ring ilikas ang lahat ng pamilya sa 14 pang bayan na nasa prone areas.

Dagdag pa nito na maigting na ipinatutupad ang health protocols sa mga evacuation center.

Habang 662 katao ang stranded sa mga pantalan ng rehiyon at 283 truck, 13 maliliit na sasakyan, apat na sasakyang pandagat.

Samantala, nagbabala ang Philippine Institute of Volcano­logy and Seismology (Phivolcs) sa mga pag- ulang nararanasan sa posibilidad na magdulot ng  pagragasa ng lahar.

Posibleng maapek­tuhan ng lahar ang Miisi, Anoling, at Qui­rangay sa Camalig; Maninila, Masarawag, Muladbucad sa Guinobatan; Nasisi sa Ligao City; Matanag sa Legazpi City at Basud Channel sa Sto. Domingo.

Ayon sa PAGASA, inaasahan nilang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Quinta bukas ng hapon.

Show comments