MANILA, Philippines — Hindi na kailangang sumailalim sa antigen COVID-19 test ng mga Filipino na lalabas ng bansa matapos tanggalin ang nasabing requirement ng Inter-Agency Task Force (IATF) on the Management of the Emerging Infectious Diseases.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaprubahan ng IATF ang pagbawi sa pre-boarding test kung saan dapat negatibo ang resulta sa loob ng 24 oras bago lumabas ng bansa.
Sinabi pa ni Roque na tinanggal na ang nasabing requirement dahil palabas naman ng bansa ang bibiyaheng Filipino na kailangan ding sumunod sa requirement ng pupuntahang bansa.
Matatandaan na noong Oktubre 21 tinanggal ang ban sa mga Filipino na nais pumunta sa ibang bansa bilang turista.