MANILA, Philippines — Eksakto isang buwan matapos ibalita ang pagharang dito ng gobyerno, makababalik na sa pamilihan ang paboritong palaman at rekado ng marami na Reno liver spread.
Setyembre kasi nang ipaalam sa publiko ng Food and Drug Administration na wala pa palang certificate of product registration (CPA) ang nasabing produkto — bagay na ngayon-ngayon lang nakuha ng kumpanya simula pa noong 1958.
Basahin: FDA: Reno liver spread, iba pang unregistered products 'huwag kainin'
"Yes, they [Reno liver spread] have a CPR (certificate of product registration)," ani FDA director general Eric Domingo sa panayam ng GMA News, Biyernes.
Oras na makakuha kasi ng CPR ang naturang produkto ay makababalik na ito sa mga pamilihan. Una nang sinabi ng FDA na hindi matitiyak ang kaledad at kaligtasan nito kung hindi dadaan sa mga evaluation process ng FDA.
Bagama't walang CPR noon, una nang sinabi ng FDA na meron namang license-to-operate (LTO) ang manufacturer ng Reno Brand Liver Spread, bagay na kanilang nakuha noong 2017.
"[The LTO] is an authorization granted to manufacturers, repackers, importers, distributors, wholesalers, traders who passed FDA guidelines such as Good Manufacturing Practices," ayon sa ahensya.
"After being issued an LTO, the food business operator is required to secure another authorization which is called Certificate of Product Registration."
Ang mga nabanggit ay ilan lang sa mga basic requirements ng FDA simula pa noong 2009 dahil sa pagkakapasa ng Republic Act 8711 o FDA Act of 2009.
Una nang sinabi ni Domingo nitong ika-29 ng Setyembre na humingi na ng tawad sa kanila ang kumpanya dahil sa mga nasabing kakulangan sa permit.
"They wrote to us and apologized because they weren’t able to have their product registered," ayon sa FDA official. — James Relativo