Cayetano: Velasco nahalal sa ‘fake session’

MANILA, Philippines — Hindi kikilalanin ng mayorya ng mga mambabatas si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco dahil peke umano ang idinaos na sesyon at paghahalal dito ng kaniyang mga supporters bilang bagong Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, hindi dalawa ang Speaker ng Kamara at hindi siya napalitan sa puwesto dahil labag sa batas at mapanganib na precedent ang ginawang hakbang ng mga pro-Velasco supporters.

Ayon kay Cayetano, tuloy ang pagdaraos ng special session ngayon na iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte at sa gagawing sesyon ay ang pagpasa ng 2021 national budget ang siyang tututukan ng mga mambabatas at hindi ang isyu ng Speakership.

Binigyang diin ni Cayetano na malinaw ang marching orders ni Pangulong Duterte na isaayos ang budget at wala itong pakialam sa usapin ng Speakership kaya naman ito ang gagawin ng Kamara sa sesyon ngayong October 13 hanggang October 16.

‘The House of Representatives will hold a proper, orderly session tomorrow ( Oct 13). The budget bill can be passed in 2 or 3 days provided the House majority supports it,” paliwanag ni Cayetano.

Binantaan din nito ang kampo ni Velasco na kung igigiit na siya na ang bagong House Speaker na resulta ng nangyaring fake session sa Celebrity Sports Plaza ay hindi nya ito hahayaan.

“I will not allow you to burn this house down.If you try to burn this house down, you will get one hell of a fight. Holding a “fake session” sets a dangerous precedent.Don’t throw the Constitution away. Don’t throw the Constitution into the waste basket,” giit pa ni Cayetano.

Nanindigan ang House Speaker na hindi lehitimo at hindi kikilalanin ng Kamara ang sesyon na idinaos ng mga pro-Velasco congressman dahil maituturing lamang ito na isang social club gathering.

Samantala, tiniyak ng Malacañang na hindi ito makikialam sa Speakership at kung ano man ang gagawin ng mga mambabatas pagkatapos na maipasa ang 2021 budget.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi isyu sa Pangulo kung sino ang mailuluklok na House Speaker at wala na rin sa Pangulo ang usapin ng term-sharing agreement sa pagitan nina Cayetano at Velasco.

Show comments