MANILA, Philippines — Ayaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa binabayaran na beep card na ginagamit para makasakay sa mga bus sa EDSA kaya ito sinuspinde.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang alam niya ay hindi pabor ang Pangulo kaya nagkaroon ng suspensiyon sa paniningil para sa Beep card.
Ayon kay Roque, nahabag ang Pangulo sa balita na maraming mga mahihirap na mananakay ang nagulat na kailangan pang bumili ng beep card gayong sapat lamang sa pagkain at pamasahe ang dalang budget.
Idinagdag din ni Roque na nakikinig ang administrasyon sa mga hinaing ng mga mamamayan kaya pansamantala munang ipinatigil ang koleksiyon ng charges sa paggamit ng Beep card,.
Ayon pa kay Roque, sa tingin niya ay “ongoing” ang review sa kontrata kaya sinuspinde muna ang koleksiyon sa charges.