Panukalang gawing 'holiday' ang kaarawan ni Marcos sa Ilocos Norte pasado sa Kamara

Litrato nina dating Pangulong Ferdinand Marcos (kaliwa) at dating first lady Imelda Marcos (kanan) sa harap ng ilang college students noong ika-15 ng Nobyembre, 1985
AFP/Romeo Gacad, File

MANILA, Philippines — Lusot na sa ikatlo at huling pagdinig ng House of Representatives ang panukalang batas na naglalayong gawing piyesta opisyal sa probinsya ng Ilocos Norte ang kaarawan ng isang diktador, Miyerkules.

Ang balita ay kinumpirma mismo ng Kamara ngayong araw sa kanilang opisyal na Twitter account.

"Voting 198-8 and one abstention, House approves on Final Reading HB 7137, declaring September 11 of every year a special non-working holiday in Ilocos Norte in commemoration of the birth anniversary of former Pres. Ferdinand Marcos," wika ng Mababalang Kapulungan.

Ang House Bill 7137, na kilala rin sa tawag na "Declaring September 11 Of Every Year A Special Nonworking Holiday In The Province Of Ilocos Norte In Commemoration Of The Birth Anniversary Of Former President Ferdinand Edralin Marcos," ay iniakda nina Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos Barba, Ilocos Norte Rep. Christina Fariñas at Probisyano Ako party-list Rep. Rudys Caesar "Baby Boy" Fariñas.

Nangyayari ito kahit na 34,000 ang tinorture, 3,200 ang pinatay at mahigit 70,000 ang ikinulong sa ilalim ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos mula 1972 hanggang 1981, ayon sa tala ng Amnesty International.

'Marcos restoration'

Hindi naman pinalusot ng ilang progresibong grupo ang maniobrang ito ng Kamara, lalo na't malaki raw ang kasalanan ni Marcos pagdating sa usapin ng kalayaan at demokrasya ilang dekada na ang nakalilipas.

"The College Editors Guild of the Philippines reiterates that instead of making senseless policies, the Duterte government should be heeding the people's demands, and not playing as busy as bee," wika ng CEGP, ang pinakamalawak at pinakamatandang alyansa ng mga campus journalists sa buong Asya-Pasipiko.

"CEGP will never forget the atrocities of Marcos and his family to the courageous, selfless and militant Guilders and revolutionaries who have offered the ultimate sacrifice in the struggle for freedom and democracy under his murderous regime."

JUST IN: Two days after the commemoration of National Heroes Day, House approves on 3rd reading HB 7137 declaring...

Posted by College Editors Guild of the Philippines on Wednesday, September 2, 2020

Dagdag pa ng grupo, tinatangka raw talaga ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte na gayahin ang "pasistang diktadura" ni Marcos, lalo na sa panahong tumitindig ang kabataan sa pang-aapi.

Matatandaang pinuri ng presidente, na nag-endorso kay Sen. Imee Marcos noong midterm elections, ang Batas Militar ni "Macoy" at tinawag itong "very good."

Basahin: Duterte praises Marcos' Martial Law as 'very good'

Naipalibing din sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig ang kontrobersyal na presidente sa ilalim ng pamumuno ni Digong noong 2016, na nagpatupad din ng sariling martial law sa Mindanao pagsapit ng 2017. Paliwanag ni Duterte, naging pangulo ng Pilipinas ang napatalsik na diktador kaya maari siyang ihimlay sa LNMB.

Show comments