Walang aray: 'Laway testing' para sa COVID-19 pinag-aaralan ng DOH

Makikitang nagsasagawa ng swab testing ang health worker na ito sa Batasan Hills, Quezon CIty noong July 13, 2020
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Sinisiyasat na ngayon ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng laway bilang "sample" sa mga isinasagawang testing para malaman kung may coronavirus disease (COVID-19) ang isang tao sa Pilipinas.

Sa ngayon kasi, sinusundot pa ang ilong o lalamunan para sa RT-PCR tests. Gumagamit naman ng karayom para makakuha ng dugong ginagamit sa rapid antibody serology testing.

Minsan, kumukuha pa ng samples sa lower respiratory tract kung nasa ospital mismo ang pasyente.

"Pinag-aaralan 'yan ng lab experts panel natin," sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa reporters, Miyerkules nang umaga.

"Ito naman ay ibinigay natin sa ating laboratory experts panel para pag-aralan at tignan ang iba't ibang experiences ng iba't ibang countries using this method."

Aniya, tatlong linggo na ang nakararaan nang makarating sa kanila ang balita at tinitignan ito lalo na't may karanasan na abroad hinggil dito.

Ginagamit ng bansang Israel ang nasabing method habang kakaapruba pa lang din ng Food and Drug Administration ng Estados Unidos ang paggamit ng laway sa mga COVID-19 tests.

Hindi pa naman tinutukoy ng DOH kung saang test gagamitin ang "saliva sample" kung maaaprubahan. Sa ngayon, gumagamit ng RT-PCR, rapid antibody/antigen test o GeneXpert para malaman kung may COVID-19 ang isang tao sa bansa.

"[M]as magiging madali kapag laway lang ang gagamitin. Pero... mas tedious siya. Kasi minsan [ang] laway, may mga ibang particles ng pagkain," dagdag pa ni Vergeire.

Agad naman daw nilang ibabalita ang mga findings na makukuha hinggil dito para agad na makapagbigay ng rekomendasyon ang mga dalubhasa sa DOH.

Umabot na sa 169,213 ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas sa huling taya ng gobyerno noong Martes. Sa bilang na 'yan, 2,687 na ang patay.

Show comments