MANILA, Philippines — Pinakamataas sa naitalang kasaysayan ng bansa ang bahagi ng populasyong Pilipino na walang trabaho, ayon sa pinakahuling inilabas na pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS) noong Linggo nang gabi.
Sa pamantayan ng SWS, tumutukoy ang mga nasa edad na "jobless" sa mga: (1) kusang umalis sa trabaho, (2) naghahanap ng trabaho sa unang pagkakataon o (3) nawalan ng trabaho sanhi ng pang-ekonomikong kadahilanan na labas sa kanilang kontrol.
"Ito'y 28-puntos na pagtaas mula sa 17.5% noong Disyembre 2019, na bagong record-high mula sa 34.4% noong Marso 2012," sabi ng mobile phone survey ng SWS sa Inggles.
Tinatayang katumbas ito ng 27.3 milyong Pilipino noong Hulyo 2020 at 7.9 milyon noong Disyembre 2019.
Kahawig 'yan ng lumabas na record-high 17.7% unemployment rate ng Philippine Statistics Authority (PSA) na isinagawa noong Abril. Parehong isinagawa ang dalawang pag-aaral habang ipinatutupad ang mga community quarantine laban sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Basahin: 'Record-high': 17.7% kawalang trabaho naitala nitong Abril kasabay ng COVID-19
Napag-alaman ding nasa 86.4% ang "labor force participation rate" noong Hulyo para sa tinatantyang 60 milyong katao, na noo'y 68.7% noong Disyembre 2019 (45.5 milyon).
Lumalabas din na 79% ng mga Pilipino ang nagsabi na lumala ang kaledad ng kanilang buhay noong Hulyo, tutol sa 12% na hindi nagbago at 8% na gumanda kumpara noong 2019.
Epekto ng COVID-19
Sa panahong ito, maraming negosyo ang nagsara, hindi makapag-operate o limitado ang operasyon, dahilan para mawalan o maapektuhan din ang kabuhayan ng milyun-milyon.
"Nalaman din ng survey na isa sa lima (21%) ng Pilipino — o kalahati ng 42% na walang trabaho sa panahon ng panayam — ay nawalan ng hanap-buhay kasabay ng coronavirus disease (COVID-19) crisis," patuloy nila.
"Ang nalalabing 21% ay nawalan ng trabaho bago pa ang krisis."
Pinakamataas ang joblessness dahil sa pandemya sa Balance Luzon (23%), na sinundan ng Visayas (19%), Mindanao (19%) at Metro Manila (18%).
Record-high 'sa lahat ng lugar'
Ang 28-puntos na pagsirit sa national joblessness rate ay sanhi ng pagpalo nito sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas
- Balance Luzon (28 puntos)
- Metro Manila (29 puntos)
- Visayas (31 puntos)
- Mindanao (25 puntos)
Noong Disyembre 2019, nasa 17.3% lang ito sa Balance Luzon, 15% sa Metro Manila, 15.7% sa Visayas at 20.7% sa Mindanao.
Isinagawa ang pag-aaral noong ika-3 hanggang ika-6 ng Hulyo, 2020 sa pamamagitan ng probability-based national mobile phone survey at computer-assisted telephone interviewing.
Saklaw ng mga panayam ang 1,555 Pilipino na 18-anyos pataas sa buong Pilipinas.
Sinasabing merong "sampling error margins" na ±2% ang pag-aaral para sa national percentages, ±6% sa Metro manila at ±5 para sa Luzon, Visayas at Mindanao.
"Ang survey items dito ay hindi commissioned. Isinagawa ito sa sariling inisyatiba ng SWS at inilabas bilang serbisyo publiko," sambit nila.
Related video: