Mataas na antas ng edukasyon target ng 2 panukala ni Salceda
MANILA, Philippines — Maitataas na ang antas ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng ‘state of the art public school system’ habang mabibigyan na rin ng patas na pagkakataong makapag-aral ang mga kabataang naninirahan sa mga pamayanang malayo sa kabihasnan o yaong may mga nagaganap na hidwaan at kaguluhan.
Ito ang inihayag ni 2nd District Albay Rep. Joey Salceda , Chairman ng House Committee on Ways on Means matapos na ipasa na ng Kamara ang kaniyang dalawang panukalang batas.
Sa isang ‘online session’ ng Kamara kamakailan, nakapasa na ang ‘substitute bills ng House Bill (HB) 311, o ang “Public Schools of the Future in Technology;” at HB 307, ang “Last Mile Schools Act”.
Ayon kay Salceda, layunin ng HB 311 na gawing makabago ang mga silid aralan upang maranasan ng mga mag-aaral ang ‘digital world’ sa pamamagitan ng pagkakaroon nila ng mga ‘laptop computers’ at ‘access to internet’ upang ihanda ang mga estudyante sa mga teknolohiya ng ika-4 na ‘Industrial Revolution.’
Sa ilalim ng HB 311, ayon kay Salceda, mag-aaral ang mga kabataan sa loob ng mga ‘digital classrooms’ na kumpleto sa mga kagamitang ‘digital’ para maging katulad din ng mga kabataan sa mayayamang mga bansa. Tinataya na sa taong 2025, kalahati ng mga karaniwang ginagawa ngayon ay magiging ‘digital’ na at 65% ng mga kahusayan ngayon ay mawalan na ng saysay at lalala pa ito sa darating na mga taon.
Samantala sa HB 304 ay maginhawang makapag-aaral ang mga kabataan sa mga liblib, mahirap at magulong mga pamayanan at tiyaking may maayos na mga kalsada patungo sa mga paaralan para hindi mahirapan ang mga mag-aaral na tumawid sa mga ilog, maglakad ng malayo sa mga gulod na walang kalsada para pumasok sa eskuwela.
- Latest