MANILA, Philippines — Tuloy ang pagbubukas ng klase ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa Agosto 24.
Pinanindigan ito kahapon ni Education Sec. Leonor Briones sa kabila ng pagtutol ng ilang grupo ng mga guro.
Pinuna ni Sec. Briones ang hakbang ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na nag-lobby sa Kongreso para ipagpaliban ang pagbubukas ng klase.
“Napaka-active ng mga organization na ito. Makikita mo naman ‘yung reaction nila. Hahatsing ang DepEd, may reaction kaagad. So, alam naman namin ‘yung mga reaction nila,” sabi ni Briones.
“Ang pagbubukas ng eskuwelahan ay August 24. Ito ay blended learning. Walang face to face. At sa mga lugar na may risk assessment galing sa IATF, susundin natin ang kanilang patakaran,” aniya.
Noong Sabado ay nagpasaklolo ang TDC sa chairpersons ng basic education committee ng Kongreso hinggil sa panukalang postponement ng class opening.
Kinontra rin ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang DepEd sa umano’y kawalang suporta para sa teaching at non-teaching staff sa gitna ng pandemya.
Sa kabila ng pagtututol ng mga nasabing grupo ay buo pa rin ang pasya ni Briones na tuloy ang opening ng klase sa Agosto 24.