MANILA, Philippines — Naghain ng panukala sa konseho ng Lungsod ng Quezon ang isang konsehal upang himukin ang Konggreso na tuluyang amyendahan ang ilang probisyon ng kontrobersyal na Republic Act 11479, sa interes ng "pagtatanggol" sa demokrasya, karapatang pantao at civil liberties.
Kung tuluyan itong maipasa, pormal nang tututol ang buong Quezon City LGU sa Anti-Terrorism Act of 2020.
"We have filed [yesterday] Proposed Resolution No. 21CC-661 which expresses our reservation to several provisions against the Anti-Terrorism Act of 2020, more known as Anti-Terrorism Law," ani District 5, QC Councilor Karl Castello, Biyernes.
"The said proposed resolution if passed aims to urge Congress to revisit, review amend or repeal several provisions which are deemed detrimental to basic human rights."
EXCLUSIVE: Kopya ng Proposed Resolution No. 21CC-661 ni District 5, QC Councilor Karl Castelo na humihimok sa Konggreso amyendahan ang Anti-Terrorism Act of 2020. @PhilstarNews @PilStarNgayon pic.twitter.com/n4F5jvhrM2
— James Relativo (@james_relativo) July 24, 2020
Ilan sa mga ikinababahala ng netizens, oposisyon at progresibong grupo ay ang mga "malabo" nitong depenisyon sa "terorismo," na aniya'y maaaring magamit laban sa mga kritiko ng administrasyon.
Sa Section 4 ng batas, sinasabi kasing terorismo ang ilang gawi na makapaninindak sa gobyerno sa layuning maimpluwensyahan ito.
Ang mga pinaghihinalaan sa ilalim ng RA 11479 ay maaaring makulong nang hanggang 24 araw kahit na hindi man lang nakakasuhan ng anumang espisipikong kaso. 'Yan ay kahit na dapat nang pakawalan, sa ilalim ng 1987 Constitution, ang mga inaaresto matapos ang tatlong araw kung hindi makakasuhan — kahit suspendido ang writ of habeas corpus.
Basahin: Ano ang 'Anti-Terror Bill' at bakit may mga tutol dito?
Malaya rin magdesisyon ang Anti-Terrorism Council, na hindi naman korte, kung sino ang terorista o hindi. Sila rin ang magdedesisyon kung may "probable cause" dito, na karaniwang kapangyarihan lang ng hudikatura.
'Yan ay kahit na tinanggal din sa anti-terrorism law ang P500,000 multa kada araw sa mga pulis na magkukulong ng inosente kaugnay ng terorismo.
"[T]he 'Chilling Effect' of the provisions provided for the inclusion of crimes something that can easily [be] abused and weirlded to any ordinary citizen who dare complain about the government," dagdag pa ng panukalang resolusyon.
Una nang inireklamo ng ilang media at human rights groups ang nasabing "chilling effect," sa dahilang maaari raw nitong mapatahimik ang mga mamamayan sa gitna ng takot.
Tumataginting na 19 na petisyon na sa Korte Suprema ang naihain laban sa anti-terror law, ang pinakahuli inilagak ng women's group na Gabriela kanina.
Marami sa mga petisyon, na finile ng mga kabataan, abogado, guro, mga mambabatas, manggagawa atbp. ay nananawagang maideklara itong unconstitutional.
"It is in our belief that democracy, freedom of speech, the right to organize and association is indispensible and must be protected at all times," saad pa ni Castelo.
"We call on to our fellow public officials to rally behind the clamor of the people to protect the foundations of democracy."
Belmonte vs ATL
Bagama't hindi pa ito aprubado bilang resolusyon, una nang nagsalita si QC Mayor Joy Belmonte laban sa anti-terrorism law sa panayam ng ANC.
"There were certain provisions that I was not comfortable with. I believe this is a vote of conscience," ani Belmonte.
"What if this is my son who was detained for x number of days for a mere suspicion? I would be very uncomfortable with that."
Aniya, may inilabas kamakailang survey sa lahat ng alkalde sa buong Pilipinas para malaman ang posisyon nila sa batas: "I think they asked the whole country. I don’t know how the mayors voted. I can only speak for myself."
Hindi naman daw natatakot ang mayora sa magiging epekto nito sa kanya pagsapit ng 2022 elections, lalo na't bumoto raw siya batay sa kanyang konsensya.
Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan ang RA 11479 para mabigyang pangil ang pagsusumikap ng gobyerno na tapusin ang terorismo, na dulot diumano ng grupo gaya ng mga komunista.
Sa kabila ng takot ng marami, tiniyak naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi terorismo ang pagproprotesta. Gayunpaman, nakasaad sa RA 11479 na dapat "mapayapa" ito upang masabing hindi terorismo.
Hindi lahat ng mobilisasyon ay walang dahas, lalo na kapag nagkakaroon ng girian ang mga pulis at militante sa gitna ng mga dispersal. Hindi pa malinaw kung magiging saklaw iyon ng terorismo, lalo na't ginagawa ang mga rally para himukin ang gobyernong baguhin ang mga polisiya nito.
--
Disclosure: Si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay shareholder ng Philstar Global Corp., na nagpapatakbo ng digital news outlet Pilipino Star Ngayon. Ang artikulong ito ay nilathala batay sa editorial guidelines.