MANILA, Philippines — Matapos maglabas ng notice ang ABS-CBN na magbabawas na sila ng empleyado dulot ng non-renewal ng kanilang prangkisa, iminungkahi ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund "LRay" Villafuerte na tuluyan na lang ibenta ng pamilya Lopez ang Kapamilya Network bilang huling baraha para maisalba ang trabaho nang mahigit 11,000 manggagawa.
Ito ang sinabi ni Villafuerte, Biyernes nang umaga, sa panayam ng ANC, matapos niyang imungkahi sa Kamara na gamitin na lang ang television at radio frequencies ng ABS-CBN para sa distance learning ng mga bata ngayong may coronavirus disease (COVID-19).
Basahin: Kaysa masayang: ABS-CBN frequencies gusto gamitin sa COVID-19 'distance learning'
"[I]f they really love the 11,000 employees or more, and if they truly want to serve the Filipino people, ibenta na lang nila 'yung kumpanya," wika niya.
"I'm sure if they sell it, big companies can provide the capital to run it, provide the manpower, financial, economic, technical expertise to run the company."
Ayon kay Villafuerte, kung nagkataon ay susuportahan niya ang franchise renewal ng ABS-CBN basta't nasa panibagong ownership at management.
May paglabag ba ang ABS-CBN?
Matatandaang ibinasura ng House Committee on Legislative Franchises ang hiling na 25-taong renewal ng prangkisa ng ABS-CBN matapos itong ipasara ng National Telecommunications Commission (NTC) noong ika-5 ng Mayo.
May kaugnayan: Kamara ibinasura ang ABS-CBN franchise renewal
Ika-4 ng Mayo kasi nang tuluyang mapaso ang kanilang prangkisa matapos bigong talakayin ng House of Representatives ang mahigit isang dosenang franchise bills.
Bago ibasura ang kanilang franchise bid, matatandaang kwinestyon ng mga mambabatas ang sari-saring bagay tungkol sa kumpanya, gaya na lang ng diumano'y maling pagbabayad ng buwis, isyu ng kontraktwalisasyon, "imoralidad" ng ilang programa at pagiging Filipino-American citizen ni ABS-CBN chairperson emeritus Eugenio Lopez III.
May kaugnayan: Does ABS-CBN have tax deficiencies, unpaid debts?
Sa ilalim kasi ng Article XVI, Section 11 (1) ng 1987 Constitution, sinasabing tanging mga Pilipino lamang ang pinahihintulutan kasing magmay-ari ng mass media.
"The ownership and management of mass media shall be limited to citizens of the Philippines, or to corporations, cooperatives or associations, wholly-owned and managed by such citizens."
Gayunpaman, klinaro na ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Emmeline Aglipay-Villarna itinuturing si Lopez bilang Pilipino sa simula't simula pa lamang noong siya'y pinanganak, dahil Pilipino ang kanyang mga magulang.
Binabatikos ngayon ng sari-saring media at human rights groups ang nangyayari, at sinasabing isyu na rin ito ng pagpapatahimik diumano ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa malayang pamamahayag.
Pagbebenta iminungkahi na ni Duterte
Agosto 2018 nang unang sabihin ni Duterte na haharangin niya ang renewal ng ABS-CBN franchise kung siya lang ang masusunod, dahil sa hindi pag-ere ng kanyang mga political advertisements noong tumatakbo pa sa pagkapresidente noong 2016.
Matatandaang hinimok din ni Duterte noong Disyembre 2019 ang pamilya Lopez na ibenta na lang ang ABS-CBN.
"Your contract is about to expire. You will try to renew it but I don't know what will happen to that," banggit niya.
"Kung ako sa inyo ipagbili niyo na 'yan. Kasi ang mga Filipino ngayon lang makaganti sa inyong kalokohan."
Dagdag pa ni Villafuerte, mainam na gayahin na lang ng mga Lopez ang ginawa noon ng Mighty Corporation nang mapagbintangang umiiwas sa pagbabayad ng buwis: "sinabi ni presidente [sa Mighty Corporation] magbayad kayo, nagbayad. Binenta nila 'yung kumpanya sa isang Japanese company. Oh, 'di walang problema po. Walang natanggal na tao. You know, this is just a suggestion."