MANILA, Philippines (Update 1, 6:33 p.m.) — Agarang ipinatitigil ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng serbisyong satellite ng Sky Cable sa telebisyon, matapos ilabas ang isang kautusan ngayong araw.
"[U]pon reciept of this Order, SKY CABLE CORPORATION is directed to [i]mmediately CEASE and DESIST operating its Direct Broadcast Satellite Service authorized under Case No. 2012-386," sabi ng NTC, Martes.
Ika-23 ng Disyembre, 2015 nang bigyan ng provisional authority ng NTC ang Sky Cable Corporation para mag-"install," "operate" at mintena ang kumpanya ng direct broadcast satellite (DBS) sa 251 lungsod at munisipalidad hanggang ika-23 ng Hunyo, 2017.
Pinalawig ng NTC ang otoridad ng Sky Cable hanggang ika-23 ng Hunyo, 2021, alinsunod sa terms and conditions na itinakda ng naunang provisional authority basta't sumusunod sa rules and regulations ng komisyon.
"The legislative franchise granted to Sky Cable Corporation by virtue of R.A. No. 7969 expire on 04 May 2020," dagdag ng NTC.
"Upon the expiration of R.A. No. 7969, Sky Cable Corporation no longer has a valid and subsisting congressional francise to install, operate and maintain a Direct Broadcast Satellite Service."
Ang direct broadcast satellite service ng Sky Cable ay isang subsidiary ng ABS-CBN Corp., na ipinatanggal din sa ere ng NTC noong ika-5 ng Mayo sa pamamagitan din ng isang cease and desist order.
Basahin: 'Cease and desist': ABS-CBN ipinatitigil nang mag-operate ng NTC
Pinasasagot naman sa loob ng 10 araw matapos matanggap ang kautusan ang Sky Cable kung bakit hindi dapat bawiin sa kanila ang mga nasabing "radio frequencies" dahil sa kawalan ng prangkisa.
Bukod diyan, dapat din daw ibalik ng kumpanya ang mga "unconsumed prepaid loads, deposit sa subscriber equipment, o advance sa buwanang bayad ng postpaid subscribers, at kung meron man, mga singilin na kinolekta sa mga bagong aplikante ng nasabing DBS service at iba pang bayarin oras na matanggap ang nasabing order.
May kaugnayan: NTC: ABS-CBN to cease Channel 43, TV Plus operations before day ends
Kahapon lang nang sabihin ni ABS-CBN chief executive officer (CEO) Carlo Katigbak na nasa 11 milyong kabahayan, o 55 milyong tao, ang maaaring mawalan ng pagkukunan ng impormasyon kung tuluyang ipatitigil ang operasyon ng TVPlus at mga serbisyo ng Sky.