MANILA, Philippines — Tiniyak ng Social Security System (SSS) na maaaring makapag-uwi nang hanggang P20,000 benepisyo ang lahat ng miyembro nilang nagbabayad ng kontribusyon, depensa sa kanilang buwanang "salary credit."
'Yan ang tiniyak ni SSS Public Affairs and Special Events Division head Fernando Nicolas, Martes nang umaga, sa panayam ng GMA News.
"Up to 20,000 o katumbas po ito ng one month salary credit. Halimbawa, ang isang miyembro ay naghuhulog ng para sa P20,000 monthly salary credit, makakakuha po siya ng ganung halaga," ani Nicolas.
"Ang kailangan lang nilang i-present ay ‘yung certification galing sa [Department of Labor and Employement] na sila ay involuntarily separated. Tapos i-present nila ‘yung savings account kung saan natin ide-deposit."
Aniya, maaaring matanggap ang unemployument benefit sa loob nang limang araw at ipamamahagi nang dalawang bugso sa loob nang dalawang buwan.
Sa kabila nito, hindi sasaklawin ng benepisyo ang mga SSS members na nakarehistro bilang "self-employed."
Sabi pa ni Nicolas, hindi kinakailangang may kuneksyon sa coronavirus disease (COVID-19) ang dahilan kung bakit ka magre-request nang benepisyo: "Ito pong benepisyo na ito ay galing sa SSS."
Matatandaang naantala ang pagtratrabaho nang milyun-milyong Pilipino sa bansa simula nang magpatupad ng mahigpit na quarantine measures ang gobyerno laban sa nakamamatay na sakit. Ang ilan sa mga empleyado, sinisante.
Record-high unemployment
Ika-5 ng Hunyo lang nang ibalita nang Philippine Statistics Authority (PSA) na nadagdagan ng 5 milyon ang nawalan nang trabaho mula Abril 2019 hanggang Abril 2020.
Dahil diyan, sumirit patungong 17.7% ang unemployment rate sa Pilipinas — ang pinakamataas na kawalang trabaho sa kasaysayan ng bansa simula nang magbago nang "methdology" sa pagsusukat ang gobyerno noong 2005.
"This is a record high in the unemployment rate reflecting the effects of the economic shutdown to the Philippine labor market, due to COVID 19," wika ng PSA, Biyernes.
Dahil din sa pandemic, sinasabing 97% ng mga empleyado't manggagawang may hanapbuhay ang nagsabing wala sila sa trabaho kaugnay ng banta ng hawaan at restriksyong ipinataw nang gobyerno.
Kasalukuyang nasa 22,992 na ang tinatamaan ng virus ngayon sa Pilipinas, ayon sa huling taya ng Department of Health. Sa bilang na 'yan, patay na ang 1,071. — James Relativo