MANILA, Philippines — Matapos ang 17 taong pakikipaglaban para sa regularisasyon, magandang balita ang ibinungad ng National Labor Relations Commission (NLRC) sa tatlong dating empleyado ng ABS-CBN.
Nag-isyu na kasi ng "return-to-work order" ang NLRC, batay na rin sa desisyong inilabas ni Labor Arbiter Leilani Braza-Oro noong ika-6 ng Pebrero, 2020.
Kahit maaari pang i-apela, sinabi ng NLRC na agad itong dapat ipatupad (immediately executory).
Hunyo 2003 pa nang maghain ng regularization, illegal dismissal at money claims case ang dating ABS-CBN reporter na si Rowena "Wheng" Hidalgo-Otida kasama nina Jerome "Jay" Manahan at John Cuba.
"[O]bligado po ngayon ang ABS-CBN na ibalik kami sa trabaho," ani Manahan sa isang pahayag.
Alinsunod sa utos ng labor arbiter, dapat muling tanggapin ng ABS-CBN Corp. ang tatlong nagreklamo sa dati nilang posisyon. Gayunpaman, walang "back wages."
Kasama sa mga orihinal na naghain ng reklamo si Ricky de Belen ngunit namatay siya sa isang motorcycle crash dalawang buwan na ang nakalilipas.
Usapin ng danyos
Dahil sa desisyon ng NLRC, inuutusan ang Kapamilya Network na bayaran ng halagang aabot sa P100,000 ang bawat complainant.
"P50,000 moral, P50,000 exemplary damages plus 10 percent attorney's fee," dagdag ni Managan.
Maliban diyan, pinagsusumite rin ng kanilang "report of compliance," o ulat ng pagsunod, ang network sa loob ng 10 araw magmula nang matanggap ang desisyon.
Agosto taong 2004 nang unang ibasura ng NLRC ang labor complaint. Pero binaliktad ng First Division ng komisyon ang desisyon noong ika-29 ng Oktubre, 2009, dahilan para tawaging regular na empleyado ang mga nagreklamo.
Tinawag ding "invalid" at iligal ang fixed-term contracts na ibinigay sa kanila sa pamamagitan ng internal job market (IJM) program.
Hunyo 2019 nang utusan ng mga korte ang ABS-CBN na bayaran ng back pay at separation pay si De Belen para sa iligal na tanggalan.
Paano 'yan? ABS-CBN wala nang prangkisa
Sa kabila ng NLRC order, naiipit ang pagpapatupad ng reinstatement order ng tatlo dahil na rin sa quarantine restrictions kontra coronavirus disease (COVID-19).
Maliban diyan, ipinatigil din ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng mga television at radio stations ng ABS-CBN matapos mapaso ang kanilang legislative franchise noong ika-4 ng Mayo. Hindi kasi inaksyunan ng mga mambabatas ang nakabinbing mahigit-kumulang isang dosenang franchise renewal bills sa Kamara.
Inaasahang dedesisyunan ng Konggreso ang franchise renewal ng ABS-CBN pagsapit ng Agosto — panahon kung kailan posibleng magkaroon ng retrenchment sa kumpanya.
Dahil dito, umaasa ang mga nabanggit na makakapanumbalik sa ere ang kumpanya. "Have faith," sabi ni Hidalgo-Otida.
Una nang naiulat na nasa 11,000 manggagawa sa media ang namemeligro ang trabaho dahil sa banta ng non-renewal ng kanilang legislative francise. — James Relativo