MANILA, Philippines — Pinahihintulutan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga domestic flights na magpatuloy ng operasyon sa mga lugar na nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ).
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, kamakalawa ng gabi ay nagpalabas na si Secretary Carlito Galvez, chief implementer ng National Policy laban sa COVID-19, ng kautusan na nagsasaad na pinahihintulutan na ang domestic commercial aviation.
Gayunman, kinakailangan pa rin na aprubado ito ng concerned local government units.
Nauna rito, ilang LGUs ang tumatanggi pang tumanggap ng domestic flights kahit nasa GCQ na ang kanilang lalawigan dahil sa pangambang mapasukan ng COVID-19.
Ayon naman kay DOTr Assistant Secretary for Planning and Project Development Giovanni Lopez, nagkaroon lang ng kaunting isyu pagdating sa mga lokal na pamahalaan.
Nagpulong na aniya ang DOTr at National Task Force at napagdesisyunan na uunahin na lang ang mga lokal na pamahalaan na gusto at handang tumanggap ng domestic flight.