Hangga't walang bakuna sa COVID-19, klase 'wag buksan — mambabatas
MANILA, Philippines — Tutol ang deputy speaker ng Kamara na basta-bastang manumbalik ang operasyon ng mga eskwelahan hangga't hindi pa dumarating ang bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19), ayon sa isang pahayag, Huwebes.
Nakatakdang magbukas ang mga pisikal at virtual na klase sa pampublikong elementarya at highschool sa ika-24 ng Agosto, 2020 habang Agosto rin magsisimula ang class resumption sa karamihan ng kolehiyo sa bansa, matapos isuog dahil sa banta ng virus.
Pero ayon kay Rep. Aurelio Gonzales Jr. (Pampanga, 3rd district), sari-saring problema pa ang humahadlang sa sistemang pang-edukasyon para magsimula uli sa gitna ng pandemya.
"[H]eto ang problema, mahirap magpatupad ng physical distancing sa mga silid-aralan, lalo na sa mga pampublikong paaralan kung saan hindi bababa sa 40 ang estudyante kada klase," diin ni Gonzales sa Inggles.
Dahil dito, inilakip niya sa House Resolution 876 na isuspindi muna ang mga klase "hanggang madiskubre ang bakuna laban sa COVID-19 at maisama sa Philippine national drug formulary."
Aniya, merong probisyon sa Saligang Batas hinggil sa pagprotekta sa kalusugan ng mamamayan, kung kaya itinutulak niya ang postponement ng mga klase sa Agosto.
Ayon sa Article II, Section 15 ng 1987 Constitution:
"The State shall protect and promote the right to health of the people and instill health consciousness among them."
"Sa paglaki ng banta ng COVID-19, na nariyan pa at papalapit sa ating mamamayan, lalo na sa mga bata, kinakailangan na gawin natin ang lahat ng pag-iingat at preventive actions para protektahan sila sa sakit," dagdag pa niya.
Sasaklawin ng gusto niyang suspensyon ang mga klase mula pampubliko at pribado, mula pre-school hanggang kolehiyo. Kasama rin diyan ang vocational education at training.
Bukod diyan, hindi pa rin daw uubra ang "distance learning" sa mga probinsya, gayong kahit sa mga lungsod ay hindi pa raw gaano mapagkatiwalaan ang mobile phone at internet connection.
Opinyon ng mga guro
Kahapon lang nang pumalag ang Teachers' Dignity Coalition (TDC) sa desisyon ng gobyernong simulan uli ang mga klase sa Agosto, sa dahilang maaaring pagmulan pa ito ng mas malalaking problema.
"Mas malaking krisis ang kakaharapin kung itutuloy ang pagpasok sa Agosto 24 lalo pa’t ngayon pa lamang halos tayo nagsisimula sa isinasagawang COVID-19 testing at ang sitwasyong ito ay marahil umabot hanggang Agosto," giit ng TDC.
Maliban pa diyan, maaaring hindi raw maging epektibo ang mass testing bago magsimula ang mga klase lalo na't araw-araw magkikita ang mga estudyante't guro.
Dagdag pa ng TDC, maaari ring ma-discriminate ng virtual classes ang malaking hanay ng estudyante lalo na sa mga mahihirap at liblib na komunidad.
Sinasabi ng 2017 National Broadband Plan and to Internetlivestats na 43.5% pa lang ng Pilipino ang may access sa internet noong 2016. Dahil diyan, 57.7 milyon ang maituturing na "offline" apat na taon na ang nakalilipas noong 102.2 milyon ang populasyon ng bansa.
Samantala, naghain naman ng kanilang limang "demands" ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) bago ligtas na masimulan ang mga klase:
- pagpatulad ng komprehensibong medical at socio-economic response sa krisis
- pagpondo sa mga health at safety measures sa mga paaralan, kasama ang libreng mass testing
- pagsisiguro ng kaledad ng edukasyon
- pagsigurado sa karapatan at benepisyto ng mga education workers
- pagsasagawa ng demokratikong konsultasyon sa mga guro, magulang at mag-aaral
- Latest