MANILA, Philippines — Pinatitigil ng Food and Drugs Administration (FDA) ang advertisements at promotions ng ilang kumpanya ng medical devices na nagsasabing nagpapagaling at pumapatay ng virus katulad ng coronavirus disease 2019 at iba pang virus at bacterial diseases kasabay ng babala na mahaharap sa kaukulang parusa kung ipagpapatuloy pa ang panlilinlang.
Sa inilabas na FDA Advisory No. 2020-782 na may lagda ni Director General Rolando Enrique D. Domingo, na may petsang Mayo 7, 2020, inaabisuhan ang general public laban sa ‘unapproved’ at ‘misleading’ advertisements at promotions ng iba’t-ibang medical devices na namonitor sa isinagawang post market surveillance activity ng Regional Field Office.
Kabilang sa tinutukoy ng FDA ang BioMask™ Flat+™ Medical Face Mask at RespoKare® Active Protection Mask Anti-Viral Mask.
Binigyang-diin ng FDA na sa kasalukuyan ay wala pang specific na treatments o gamot laban sa COVID-19.
Pinayuhan ang bawat isa na sumunod sa tumpak na health advice at guidance mula sa Department of Health (DOH) at ng World Health Organization (WHO) sa basic protective measures sa paglaban sa COVID.