MANILA, Philippines (Update 2, 6:38 p.m.) — Naglabas na ng "cease and desist order" ang National Telecommunications Commission (NTC) ngayong araw laban sa ABS-CBN dahil sa pagkakapaso ng kanilang prangkisa kahapon.
"[I]nuutusan ng NTC ang ABS-CBN na itigil na ang operasyon ng sari-saring TV at radio broadcasting stations nito sa buong bansa dahil 'wala silang balidong congressional franchise' na hinihingi ng batas," sabi ng NTC sa Inggles, Martes.
NTC issues cease and desist order against ABS-CBN pic.twitter.com/FQFuKXMqfO
— Richmond Mercurio (@richmercurio) May 5, 2020
Paliwanag ni Justice Secretary Menardo Guevarra, "immediately executory" o agad maipatutupad, ang cease and desist order ngunit maaari pang iapela sa Regional Trial Court o Court of Appeals.
"Mas mainam ang judicial review kaysa sa pag-aapela," dagdag ni Guevarra.
Binibigyan ngayon ng NTC ang ABS-CBN ng 10 araw mula sa pagkakakuha ng utos, na pinetsahang ika-5 ng Mayo, para tumugon.
Ayon sa Republic Act 7966, na nagbigay ng 25-taong prangkisa sa kumpanya, mapapaso ang prangkisa para patakbuhin ang kanilang mga himpilan ng telebisyon at radyo sa ika-4 ng Mayo, 2020.
"Sa pagkakapaso ng RA 7966, wala nang valid at subsisting congressional franchise ang ABS-CBN na hinihingi ng [Radio Control Law], Act No 3846," dagdag pa ng NTC.
"Matapos makuha ang tugon ng ABS-CBN, magsche-schedule ang NTC ng case hearing sa lalong madaling panahon matapos ang Enhanced Community Quarantine."
Nangyayari ito kahit na una nang sinabi ng NTC na ang lahat ng prangkisang magtatapos habang may ECQ ay awtomatikong mare-renew at mananatiling balido 60 araw matapos ang lockdown.
Ipinatatawag ngayon ng House legislative committee ang mga opisyales ng NTC matapos maglabas ng cease and desist order.
READ: Kahit expired na ang ABS-CBN franchise, istasyon pwede mag-operate — DOJ
Marso pa lang ay hinihikayat na ng Senado at ni House Speaker Alan Peter Cayetano na maglabas ng "provisional authority" ang NTC para patuloy na umiral sa ere habang dinidinig ang mga panukalang batas sa nasabing renewal.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang magbanta ng kasong graft si Solicitor General Jose Calida laban sa NTC kung maglalabas ng provisional authority.
'Antayin ang paliwanag'
Ipinaliwanag ni Guevarra na kinuha muna ng NTC ang kanilang opinyon bago gumawa ng desisyon, batay na rin sa mga panuntunan ng batas.
"Ipinahayag ng Konggreso ang kaparehong pananaw ng DOJ nang manawagan ito sa NTC na maglabas ng provisional authority sa ABS-CBN," sabi pa ng DOJ.
"Pero naglabas ng cease and disist order ang NTC. Siguro may maganda silang dahilan. Antayin natin."
Kahapon lang nang sabihin ng DOJ na maaari pa ring makapag-operate ang ABS-CBN kahit na mag-expire pa ang prangkisa nito, sa dahilang nag-apply na sila noon ngunit hindi lang naaksyunan ng Konggreso.
Konggreso ang may kapangyarihang magdesisyon pagdating sa paggagawad ng legislative franchise.
Pambabastos sa Konggreso?
Hindi naman natuwa ang ilang miyembro ng Kamara sa ginawa ng NTC.
"The shit has hit the fan," galit na pahayag ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ngayong Martes, na kilalang sumusuporta sa pagre-renew ng prangkisa sa Mababang Kapulungan.
Sabi niya, tuluyan nang binalewala ng NTC ang kapangyarihan ng Konggreso pagdating sa franchise na iginawad sa kanila ng 1987 Constitution.
"Nakababastos ito para sa [Senado at Kamara] kung saan dumalo ang NTC sa magkakahiwalay na hearing," sabi pa ni Fortun, habang ipinaaalala ang pangako ng komisyong magbigay ng provisional authority habang nire-renew ang franchise.
Tinawag din ito Fortun bilang pinakamalalang desisyon ng ahensya sa kasaysayan, lalo na't may malaki raw itong tama sa kalayaan sa pamamahayag.
Maaari rin daw ipa-subpoena ng Konggreso ang NTC oras na hindi magpakita sa "Question Hour" na kanya mismong ipatatawag. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag at The STAR/Richmond Mercurio