MANILA, Philippines — Pinasasailalim sa pagsusuri ni Philippine Army commanding general Lt. General Gilbert Gapay ang mental health ng mga sundalo matapos lumitaw ang kaso ni retired Army Corporal Winston Ragos.
Ayon kay Army Public Affairs Office chief Colonel Ramon Zagala, nais tingnan ni Gapay ang trauma risk management ng kanilang organisasyon at hanapin pa ang mga katulad ni Corporal Ragos upang mabigyan ng tulong.
Matatandaang binaril si Ragos sa isang checkpoint sa Barangay Pasong Putik sa Quezon City nitong Abril 21.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ilang tauhan ng pulisya ang nagmamando sa checkpoint sa Maligaya Drive nang dumating si Ragos at sinigawan ang mga ito. Sinabihan ito ng mga pulis na umuwi dahil sa enhanced community quarantine, ngunit sinasabing hindi ito pinansin ni Ragos at ipinakilala ang sarili bilang dating kasapi ng Philippine Army.
Sinasabi umanong akmang bubunot ng baril si Ragos kaya’t dito na siya binaril ni P/Master Sgt. Daniel Florendo. Idineklara itong dead on arrival sa ospital.
Ayon sa kapatid nito, may schizophrenia at post-traumatic stress disorder (PTSD) si Ragos.
Iniutos ni Gapay ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Ragos, na isasagawa ng Army Judge Advocate sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police.
Humingi na rin ng tulong ang Army sa National Bureau of Investigation para sa imbestigasyon.
Binigyan ng military honors si Ragos at inilibing sa Libingan ng mga Bayani kahapon.