SULU, Philippines — Patay ang 11 sundalo at limang Abu Sayyaf habang 14 pa sa tropa ng pamahalaan ang nasugatan sa umaatikabong bakbakan sa Sitio Bud Lubong, Brgy. Danag, Patikul, Sulu nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang mga nasawing sundalo na sina 1st Lt. Rogelio Deligero Jr., Staff Sergeant Jason Gazzingan, Corporals John Manodom, Mark Dexter Montenegro, Rasul Ao-As, Ernesto Bautista Jr., Benson Bongguic, Jomel Pagulayan, Premark Vallecer, Jaydon Usman at Jomar Ninalga pawang ng Army’s 21st Infantry Battalion.
Kasalukuyan namang inaalam ang pagkakakilanlan ng limang Sayyaf.
Isinugod naman sa pagamutan ang 14 nasugatang mga sundalo.
“The entire Armed Forces of the Philippines mourns today and our flags in all military camps around the country will be flown at half mast as 11 Army heroes offered their lives at past 3PM to protect and defend the people of Sulu,” pahayag ni AFP Spokesman Brig. Gen. Edgard Arevalo.
Bandang alas-3:05 ng hapon nitong Biyernes habang nagsasagawa ng peace and stability operations Army’s 21st IB nang makasagupa ang nasa 40 bandido mula sa grupo nina Abu Commander Radullan Sahiron at Hatib Sawadjaan sa naturang lugar.
Tumagal ang bakbakan ng halos isang oras.
Nagawa namang matangay ng mga bandido ang anim na R4 rifles, isang K3 squad automatic weapon, isang R4 rifle na may nakakabit na 40 MM grenade launcher at isang handheld radio.
Ang mga nasawing sundalo at ang mga nasugatan ay inilipad na sa Zamboanga City sa himpilan ng AFP Westmincom sa Camp Navarro para sa kaukulang full military honors.