MANILA, Philippines — Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagboluntaryo na isali ang Pilipinas sa clinical trials ng bakuna laban sa COVID-19 na gawa sa Japan katulad ng Avigan.
Ayon kay Cabinet Secretary at Inter-agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases spokesperson Karlo Nograles, nakausap ng Pangulo sa pamamagitan ng video conference si Japanese Prime Minister Shinzo Abe tungkol sa nasabing gamot sa ginanap na Special ASEAN Summit.
Sinabi ni Nograles na ang Avigan ay isang gamot na ginagamit sa flu at influenza at kabilang sa natalakay sa Summit.
Sa nasabing meeting, binanggit ni Abe na nasa 50 bansa ang interesado na pag-aralan ang nabanggit na gamot.
Idinagdag ni Nograles na sa ASEAN Plus Three Summit on COVID-19, binanggit ng Pangulo na kailangan ng ASEAN, China, Japan at South Korea na gawing prayoridad ang produksiyon at kalakalan ng mga mahalagang kagamitan na kailangan sa mga ospital at pagbuo ng regional reserves ng medical supplies para maging handa sa kahalintulad na outbreak.
Binanggit din ng Pangulo na kailangan ang kooperasyon sa science at research lalo na pagdating sa pag-develop ng mga bakuna at anti-viral treatment, at katiyakan sa food security o pagkain.