Duterte: Lockdown babawiin 'pag may lunas, antibodies na vs COVID-19
MANILA, Philippines — Sa isang talumpati kagabi, inilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na babawiin lang niya ang enhanced community quarantine (ECQ) oras na maging available na sa merkado ang mga bakuna't antibodies laban sa coronavirus disease (COVID-19).
"I placed a condition there na kung nandiyan na 'yung antibody available na sa market dito and they’re being sold in quantity... then I am inclined to maybe... lift the lockdown," sabi ni Duterte kagabi.
"Meron nang medisina, antibody ang isang giant pharmaceuticals. Tapos naghahabulan sila. Sabi by May baka they would start to market it, ipabili na nila."
(Basahin: FULL TEXT: Duterte's April 13 talk to the people on COVID-19 pandemic)
Binanggit 'yan ni Duterte kahit na sinabi ni Cabinet Secretary at Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases spokesperson Karlo Nograles na "fake news" na mapapalawig pa ang ECQ.
"Hindi totoo 'yan. Fake news naman 'yan. Kung may nagpapakalat man nito, hindi namin pinag-uusapan yung extension ng lockdown after April 30," sabi ni Nograles, Linggo, sa isang virtual briefing.
Una nang sinabi ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire na anim na buwan hanggang isa't kalahating taon pa ang aabutin bago makapag-develop ng bakuna laban sa virus, na tumama na sa halos 5,000 sa bansa.
Kung hindi maaagapan, maaari raw umabot nang hanggang Enero 2021 ang krisis sa Pilipinas, ayon sa Department of Health at ilang siyentista.
"Kasi wala talagang vaccine. It might come, it might not. But itong antibody... which has been manufactured outside of the human body, parang killer ito na ano. Just like the antibiotic, talagang bibirahin niya ‘yung bacteria," sabi pa ni Digong.
'Huwag munang lumabas'
Habang wala pang bakuna't available na antibodies, tuloy-tuloy ang abiso ng presidente sa lahat na 'wag lumabas nang bahay at sumunod sa social distancing.
Kaugnay niyan, binira ng pangulo ang mga pumupuslit para magsugal at mag-inom ng alak, gaya na lang ng mga nahuhuling sabungero sa tupada.
(May kaugnayan: Alaga ng mga 'lockdown sabungero' ipina-adobo ng Valenzuela mayor)
Habang tumatakbo ang lockdown, suspendido pa rin ang lahat ng pampublikong transportasyon, klase atbp. upang maiwasan ang lalong pagkalat ng virus.
Umabot na sa 4,932 ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 315 na ang namamatay sa virus: "[T]here’s no end in sight, anong katapusan nito, wala pa — and our numbers are increasing," dagdag ni Duterte.
Modified community quarantine?
Imbis na pahabain pa ang kasalukuyang ECQ, iminungkahi naman ng UP COVID-19 Pandemic Response Team at Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang pagpapatupad ng "selective" o "modified community quarantine protocols" matapos ang ika-30 ng Abril.
"While the general lockdown may have slowed down the spread of the disease as shown by UP's own study, the widespread imposition of the ECQ has had a debilitating effect on the economy," sabi ni Renato Reyes Jr., secretary general ng BAYAN.
Aniya, hindi raw sustainable ang ECQ dahil labis na raw nahihirapan ang mahihirap at mga bulnerableng seksyon ng lipunan.
Inirerekomenda ng UP Pandemic Response Team na magpatupadd na lang ng "threshold" na nagsusukat sa potensyal ng outbreak ng sakit sa iba't ibang komunidad.
Sa kabilang palagay, hindi na kailangang ibaba ang striktong ECQ measures sa mga lugar na may "lower potentials," habang dapat pa ring isailalim sa localized ECQ ang may matataas na insidente ng sakit.
Pero para gumana, kinakailangan daw muna nito nang epektibong mass testing, tamang contact tracing at real-time reporting ng mga COVID-19 cases para makapagpinta nang mainam na larawan ng pandemic.
"It would be difficult to sustain the harsh lockdown for another month, let alone until a vaccine is discovered, as the president seems to be suggesting," dagdag ni Reyes.
"The objective of localized community quarantine is to relieve the stress on the economy brought about by the lockdown, by allowing the resumption of economic activity and providing livelihood for the people."
Sana raw ay makapagbigay ng roadmap ang gobyerno ni Duterte upang maayos na makapag-transition ang Luzon mula sa ECQ patungo sa localized quarantine measures. Inaasahang magsisimula ang mass testing ng COVID-19 ngayong araw.
- Latest