MANILA, Philippines — Bukod sa ‘mandatory mass testing’ ng mga persons under investigation, iginiit ni House Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda na paigtingin din ang paghanap at pagtukoy ng mga LGU sa mga nakasalamuha ng PUIs.
Sinabi ni Salceda na kailangang makapagsuri ng mga PUI bago isipin ang pagtanggal sa enhanced community quarantine.
Hiniling din ni Salceda sa ‘Inter-agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases’ na “paghandaan ang ‘waves of active infection’ o daluyong ng hawaan ng sakit” na maaaring lumunod sa pangkalusugang kakayahan ng bansa.
“Hanggang 1,500 lamang isang araw ang kakayahan ng lahat ng kasalukuyang mga laboratoryo natin,” dagdag niya.
“Ititigil dapat ang ECQ sa lalong madaling panahon ngunit hindi magagawa ito agad dahil may kabagalan pa ang ‘testing’ natin ngayon at kung ito’y ititigil agad, tiyak na mapipilitang ibalik ito uli, at ibayong kahirapan ang idudulot nito – higit na mahirap na pasulungin ang ekonomiya, at higit na matagal tayong makakabawi,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Salceda na nauunawaan niya ang mga suliraning kaugnay nito, kasama ang kakulangan sa ‘test kits’ at ‘testing centers.’ “ngunit sadyang kailangan tugunan ang gayong mga problema, sa halip na sabihing wala tayong magagawa. Isa ito sa mga dahilan kung bakit binigyan ng Kongreso ng ‘emergency powers’ ang Pangulo,”
Kasama rin sa mga kahilingan ni Salceda ang unti-unting pagpapalawig ng ‘emergency powers’ ng Pangulo; Unti-unting pagpapalawig o pagpapaigsi sa ‘lockdown’ tuwing ika-15 araw depende sa mga kaganapan; Pag-aralan ang patuloy na pagsuspende sa pasok sa mga paaralan; at pagpasok ng mga manggagawa sa trabaho at patuloy na social distancing.