Massive forced quarantine sa PUIs, PUMs
‘Pag patuloy na tataas ang COVID case'
MANILA, Philippines — Kung hindi bababa ang bilang ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga susunod na araw, kinokonsidera ng pamahalaan ang “massive forced quarantine” para sa daan-daang persons under investigation (PUI) at libo-libong person under monitoring (PUM).
Ayon kay retired General Carlito Galvez, chief implementer ng national action plan versus COVID-19, kritikal ang dalawang linggo kaya, dahil dito, magdedesisyon ang pamahalaan kung ili-lift na ba o hindi ang Luzon-wide community quarantine sa Abril 12.
Aniya, ang home quarantine para sa PUI at PUM para sa COVID-19 ay nagpapatunay na ineffective ito laban sa pagkalat ng virus lalo na sa low-income community.
Masyado aniyang maliit ang espasyo para sa physical distancing sa ganoong mga lugar.
“Para magkaroon tayo ng massive forced quarantine, kailangang makuha agad namin ‘yung potential carriers. Contain, isolate and eliminate the threat,” ayon kay Galvez.
Sinabi ni Galvez na ang conversion o gawing quarantine areas ang malalaking venue gaya ng Philippine International Convention Center, Cultural Center of the Philippines, ULTRA, Rizal Coliseum at Philippine Arena ay matatapos sa loob ng 10 araw.
Nais niyang makita kapag ang isang possible carrier ay ina-isolate ay mababawasan na ang mga bagong kaso at mga namamatay.
Aniya, ang kritikal ay self-quarantine o home quarantine na hindi ginagawa sa mga mahihirap na lugar.
Sinabi pa niya na problema ang pagkuha ng tunay na bilang dahil ang Research Institute for Tropical Medicine ay makakapagproseso lamang ng hanggang 1,000 tests kada araw.
Ani Galvez, ang Philippine laboratories ay kailangan na makapagproseso ng 3,000 hanggang 4,000 COVID-19 tests kada araw.
Dagdag pa ni Galvez, minamadali na ng DOH ang pagbibigay ng accreditation sa mga ospital na maaaring pagsagawaan ng tests. Dapat aniyang madoble o umabot sa 4,000 ang mga isasailalim sa pagsusuri.
Sa ngayon, inirerekomenda ni Galvez ang paggamit ng masks partikular na ng mga matatanda at sakitin na ‘most vulnerable’ sa COVID-19.
Umapela rin si Galvez sa publiko na sundin ang physical distancing at gumamit ng masks kapag lalabas ng bahay upang makaiwas sa kumakalat na virus.
- Latest