MANILA, Philippines — Nakiusap ang Department of Health sa publiko na pakamahalin ang mga manggagawang pangkalusugan na nangunguna sa gyera kontra coronavirus disease (COVID-19) habang iniimbestigahan ang nararanasang karahasan at diskriminasyon ng mga nasa frontline.
Linggo nang irehistro ng DOH ang kanilang galit sa ginawang atake't diskriminasyon sa ilang health workers.
Tinutukoy nila ang pagbira sa isang nurse sa Sultan Kudarat, na "kinuyog" ng lima katao at tinapunan ng bleach sa mukha.
Nakakuha rin daw ng ulat ang DOH ng ulat ng hindi pagpapasakay, pagharang at pagmumulta sa ilang healthcare workers sa mga checkpoint.
Ang ilan, hindi pinapapasok sa mga laundry shop o pinalalayas na lang ng bahay.
"Hindi dapat kinukunsinti ang mga ganito. Minomobilisa na ang mga kawani namin para matiyak ang mga detalye at mapanagot ang mga may kagagawan nang maisumbong sa Inter-Agency Task Force on COVID-19," sabi ng DOH sa Inggles.
Nakausap din nila ang kapulisan, Department of Transportation, Department of the Interior and Local Government at mga pamahalaang lungsod na panatilihing ligtas mula sa dahas at disrikriminasyon ang mga manggagamot.
"Nakikiusap kami sa publikong intindiihin at makipagkapwa sa ating healthcare workers. Tumutugon sila sa bansa natin sa panahong kinakailangan sila, nang buong tapang at hindi iniisip ang sarili. Hindi ito panahon para talikuran sila," dagdag pa nila.
"Hindi sapat na pasalamatan natin sila. Dapat sa kanila pinoprotektahan."
Mahigit 690 doktor, nurse, nursing assistant atbp. ang nag-volunteer para manilbihan nang dalawang linggo sa government hospitals matapos manawagan ng DOH para sa mga volunteer.
Itinalaga sila sa tatlong designated COVID-19 hospitals gaya ng Lung Center of the Philippines, Philippine General Hospital at Dr. Jose N. Rodriguez Hospital.
Umabot na sa 12 doktor ang namamatay sa Pilipinas sanhi ng coronavirus, habang nagsisiksikan ang mga pasyente sa mga ospital.
Linggo nang madagdagan ng 343 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, na pinakamalaking pagtalon ng bilang ng infections sa isang araw. — James Relativo at may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico