MANILA, Philippines — Kinastigo ng Lions Clubs International ang isang doktor na inaresto kamakailan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil umano sa pagbebenta ng overpriced thermal scanners habang nahaharap ang bansa sa krisis ng coronavirus disease o Covid-19.
Kasabay nito, itinatwa ng Lions Clubs International na miyembro nito si Dr. Cedric John Sarmiento de Castro na inaresto ng mga operatiba ng NBI-Special Action Unit (SAU) sa kanyang bahay sa Quezon City noong Martes dahil sa pag-aalok ng overpriced thermal scanners sa pamamagitan ng social media.
Isang NBI agent na nagpanggap na kostumer ang nakipagkasundo sa suspek na bibili ng 150 pirasong thermal scanners na ang alok ni De Castro ay halagang P9,300 per unit.
Sa merkado, ang totoong halaga ng thermal scanners ay nasa P500 hanggang P1,500 lamang.
Ang mga ibinebenta umanong thermal scanners ni De Castro ay donasyon lamang sa kanya, gamit ang pangalan ng Lions Club.
Sa isang statement, sinabi ni Michael So, council chairperson ng Lions Clubs International State Council of Governors na hindi na kasapi ng asosasyon si De Castro simula pa noong July 2019.
Dismayado ang Lions Clubs International dahil ginagamit ni De Castro ang malinis na pangalan ng asosasyon para sa kanyang personal na interes.
“We are non-political, non-profit humanitarian organization and our motto is “WE SERVE”. Our most recent humanitarian projects are the relief missions for more than 5,000 families of Taal evacuees, and our ongoing relief operations for families affected by the Covid-19 health and economics crisis,” ang pahayag ng grupo.
Tiniyak ni So na gagawa ng hakbang ang Lions Clubs International laban kay De Castro gayundin sa iba pa gumagamit sa naturang humanitarian organization sa anomang iligal na aktibidad.