MANILA, Philippines — Sinabi ng Makati Medical Center ngayong Miyerkules na nilabag ni Sen. Aquino "Koko" Pimen III ang mahigpit nilang containment protocols matapos magpositibo sa nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).
"[Si Pimentel], na lumabas na nagpositibo sa COVID-10, ay nagdala sa kanyang asawa sa ospital para manganak via cesearean section," sabi ng Medical Director at Interim Co-CEO doctor ng MMC na si Saturnino Javier sa Inggles, Miyerkules.
"Sa pagpunta niya sa MMC, nilabag niya ang Home Quarantine Protocol, pumasok sa [Medical Center Delivery Room Complex], at inilagay sa panganib ang mga healthcare workers na maaaring mahawa.
Tinawag din nilang "iresponsable" at "reckless" ang senador, imbis na maging mabuting ehemplo sa kanyang mga pinagsisilbihan.
Aniya, walang laman ang mga naunang salita ni Pimentel nang hikayatin niyang mag-"social distancing" at sumunod sa enhanced ang publiko kanina, gayong nilabag din daw niya ang mga ito.
"Sa ginagawa niya, hindi siya umambag sa solusyon. Sa totoo lang, gumawa siya ng panibagong problema — para sa Makati Medical Center, na institusyong kumalinga sa misis niya para sa obstetric care," ani Javier.
Tiniyak naman ng ospital na na-decontaminate na nila ang nasabing pasilidad at habang sinusuri ang mga apektadong healthcare workers, na kanilang kina-quarantine na ngayon.
"Ipinagdarasal namin na hindi mahawaan ng virus ang mga kawani namin. Sa kabila nito, nakikiusap kami sa lahat na umambag sa pagpigil ng pagkalaw ng sakit - lalo na para sa mga hinahalal na pinuno," wika pa niya.
Samantala, hindi pa naman daw masabi ng Department of Health kung nagkaroon ng paglabag si Pimentel sa kanyang pagbisita sa OB-gyne.
Pimentel may paglabag ba sa batas?
Nang tanungin kung pwedeng panagutin ang senador dahil sa kanyang paglabag sa quarantine protocols, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na "dapat maghain ng reklamo ang mga may personal na kaalaman sa krimen."
Una nang sinabi ni Guevarra na maaaring arestuhin ang mga lalabag sa mga guidelines ng enhanced community quarantine sa Luzon.
Dagdag pa niya, maaari ring hulihin ang mga lalabag sa quarantine "lalo na sa kasalukuyang sitwasyon," sa ilalim ng Republic Act 11332.
Pinarurusahan nito ang "hindi pakikipagtulungan ng mga taong merong notifiable disease, o apektado ng health event of public concern." — James Relativo at may mga ulat ni Ratziel San Juan