MANILA, Philippines — Aprubado na sa kongreso ang panukalang ibalik sa national government ang pamamahala sa Benguet General Hospital (BGH) sa La Trinidad.
Layon ng House Bill 6171 o Re-nationalizing the BGH na inihain ni Benguet Legislative caretaker at ACT-CIS partylist Rep. Eric Go Yap, na maibalik sa direktang pamamahala ng DOH ang naturang ospital.
Sa ilalim nito, gagawing 400-bed capacity ang ospital at dadagdagan ng pondo para makabili ito ng mga makabagong kagamitan. Kasama rin dito ang kumpletong mga benepisyo ng health workers na nagtatrabaho sa naturang ospital, magandang pasilidad at iba pa na mapapakinabangan ng mga residente ng Benguet.
Sa kasalukuyan, kulang na kulang ang mga gamit ng naturang pagamutan na pinamamahalaan ng lokal na pamahalaan ng Benguet. Kulang din ito sa pondo kaya hindi ito mapaganda.
Napansin ni Yap ang kalagayan ng ospital matapos niya itong bisitahin kamakailan nang italaga siya bilang legislative caretaker ng probinsya. Karamihan sa mga residente ay kinakailangan pang lumayo o lumuwas ng Maynila para lamang magpagamot, kaya raw naisipan niya na ipasa ang naturang panukalang batas.