^

Bansa

Siksikang bus pagbabawalan ng LTFRB dahil sa COVID-19 threat; utos binatikos

James Relativo - Philstar.com
Siksikang bus pagbabawalan ng LTFRB dahil sa COVID-19 threat; utos binatikos
Hinaing ng BAYAN, imposibleng hindi mapuno ang mga bus lalo na't "kulang-kulang ang mass transport sa simula't simula."
The STAR/Russel Palma, File

MANILA, Philippines — Hindi muna pahihintulutan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga mala-sardinas sa siksikang bus sa gitna ng pagdami ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay Martin Delgra, chairperson ng LTFRB, dati nang pinagbabawalan ang sobra-sobrang pasehero ngunit maghihigpit sila ngayong ibinaba ni Pangulong Rodrigo Duterte ang "state of public health ememrgency."

"[M]edyo pinapayagan [ang pagtayo sa bus], pero pagbabawalan natin ang overcrowding lalo na't may national emergency," ani Delgra sa Inggles noong Martes.

"Sinasabihan natin ang operators at drivers: bawal ang siksikan."

Umabot na sa 49 ang tinamaan ng COVID-19 simula nang pasukin ng virus ang Pilipinas.

Nasa 113,702 na ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa huling tala ng World Health Organization — 4,012 na sa kanila ang namamatay.

Ayon sa LTFRB Memorandum Circular 2020-005, na nagtitiyak diumano sa "ligtas na public land transportation" sa gitna ng COVID-19, kinakailangang gawin ang sumusunod:

  • pagsusuot ng face mask ng lahat ng tsuper at kunduktor ng public utilitiy vehicles
  • pagtitiyak ng terminal operators na malinis ang kanilang lugar
  • pagbibigay ng libreng face mask sa mga pasahero, maliban sa pagpapagamit ng disinfectant at sanitizer dispensers

Malaon, inamyendahan nila ang circular para idagdag ang sumusunod:

  • matinding paglilinis ng PUV operators sa kanilang fleet bago at matapos bumiyahe para maiwasan ang hawaan ng COVID-19
  • paglalagay ng COVID-19 hotline numbers ng attached agencies at local government units (LGUs), pati na ang contact ng Department of Health sa (02) 8-651-7800 loc. 1149-1150
  • pagtuturo sa mga tsuper at kunduktor kaugnay sa mga sintomas ng COVID-19
  • oras na makakita ng posibleng infection, dapat itong iulat sa Department of Transportation, LTFRB, DOH, pinakamalapit na LGU at PNP

Kaya ba maipatupad?

Matapos ilabas ang utos, sabay-sabay nagpaskil ng mga litrato ang ilang commuters hinggil sa dinadanas nila sa loob ng mga bus.

Dahil sa dami ng siksikang bus sa Kamaynilaan, kwinestyon tuloy ng Twitter user na si @kakwentuhan kung paanpo ito maipatutupad.

"Paano 'yan mapatutupad? Magkakaroon ba ng field marshals para mabantayan ang pagsunod nila? Baka naman maganda lang ang probisyon sa papel?" sabi niya.

Para naman kay @Reind_Vill, dagdag pasakit lang ang idudulot ng utos ng LTFRB lalo na't dati nang hirap na hirap sumakay ang mga pasahero.

Sa kabila nito, sinabi ng ilang mananakay na sana'y ganito ang kalakaran kahit walang kumakalat na virus.

'Mass transport crisis'

Ayon naman kay Renato Reyes Jr., secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), lalo lang magiging tampok ang problema sa transportasyon ng Pilipinas ngayong inilabas nila ang utos na ito.

"Maha-highlight lang uli ng order na ito na meron tayong mass transport crisis sa bansa," sabi ni Reyes sa panayam ng PSN.

Bukod sa "unimplementable," sinyales lang daw ito na nagbibida-bida ang LTFRB.

Hinaing ng BAYAN, imposibleng hindi mapuno ang mga bus lalo na't "kulang-kulang ang mass transport sa simula't simula."

Oktubre taong 2019 nang sabihin ni Reyes na may mass transport crisis ang Pilipinas bunsod ng kakulangan ng mga tren na maghahatid sa mga estudyante't nagtratrabaho.

Matatandaang sunud-sunod ang pagkasira ng LRT-1, LRT-2 at MRT-3 noong buwan na 'yon, na naging malaking perwisyo sa mga commuter.

Hanggang sa ngayon, hindi pa rin operational ang Santolan, Katipunan at Anonas station ng LRT-2 matapos masunog noong ika-2 ng Oktubre. — may mga ulat mula kay The STAR/Neil Servallos

BAGONG ALYANSANG MAKABAYAN

BUS

LAND TRANSPORTATION FRANCHISING AND REGULATORY BOARD

MARTIN DELGRA

MASS TRANSPORTATION

RENATO REYES JR.

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with