MANILA, Philippines — Pansamantalang sinuspinde ng gobyerno ng Kuwait ang flights mula sa Pilipinas at sa anim na iba pang bansa.
Ito ay bilang precautionary measures para makontrol ang pagkalat ng bagong coronavirus disease o COVID-19.
Sa circular No.27 na inilabas ng Kuwait’s Directorate General of Civil Aviation (DGCA), lahat ng flights papunta at palabas ng Kuwait International Airport ay pansamantalang suspendido sa mga bansang Pilipinas, Bangladesh, India, Sri Lanka, Syria, Lebanon at Egypt.
Ang suspensyon ng flights ay nagsimula noong Marso 6 at magtatapos matapos ang isang linggo.
“All arrivals in the State of Kuwait from any nationality who have valid residency or previous entry visa, as well as those from other airports who were present in the countries mentioned above during the past two weeks, are prohibited,” nakasaad pa sa circular.
Habang ang mga mamamayan naman ng Kuwait ay pinapayagang pumasok doon basta susunod sila sa quarantine procedures na ipinapatupad.
Wala pang pahayag ang gobyerno ng Pilipinas sa naturang travel ban.