Manila, Philippines — Sa gitna ng petisyong nagpapabawi sa prangkisa ng ABS-CBN dahil sa ilang "paglabag," aminado ang pamunuan ng Kapamilya Network na hindi sila naging ligtas sa paggawa ng ilang pagkakamali sa ngalan ng kumpanya sa loob ng 65-taon.
Sa isang pahayag, Huwebes, sinabi ni ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak na bukas silang ilagay sa tama ang anumang kasalanang nagawa ng "Dos" — sa pag-asang mabibigyan ng isa pang pagkakataong maipagpatuloy ang serbisyo.
"Serbisyo po ang layunin ng ABS-CBN. Ngunit kami po ay hindi perpekto. Nagkakamali din po kami at handa po naming itama ang anumang pagkukulang," mapagpakumbabang wika ni Katigbak
Kasalukuyang humaharap sa isang quo warranto petition ang media network matapos paratangan ni Solicitor General Jose Calida ang ABS-CBN na may banyagang pagmamay-ari, maliban sa diumano'y pagpapatakbo ng KBO Channel nang walang permismo mula sa National Telecommunications Commission.
Maliban diyan, tinitignan din bilang atraso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang aniya'y hindi pag-eere ng ABS-CBN sa kanyang 2016 presidential ads. Sa kanyang panggagalaiti, binanggit tuloy niyang hindi mare-renew ang kanilang prangkisa kung siya ang masusunod.
Sa kabila ng kaliwa't kanang alegasyon ni Calida, na sinagot na ng kumpanya, nananatili si Katigbak na walang dahilan para hindi magpatuloy ang media outlet sa paglilingkod.
"Gayun pa man, kami ay handang sumunod sa anumang proseso na dapat pagdaanan ayon sa batas," dagdag pa niya.
Aniya, isang karangalan daw para sa ABS-CBN na mapaglingkuran sa bawa't tahanan at pamilya.
"Sa lahat po ng aming pinaglilingkuran, isang karangalan po na kami'y naging bahagi ng inyong tahanan at ng inyong pamilya. Sana po ang aming mga programa ay nagbibigay ng impormasyon, saya, pag asa at inspirasyon sa inyo. Sana po nakatulong sa inyo ang mga serbisyo publiko ng ABS-CBN Foundation tulad ng Bantay Bata at Sagip Kapamilya."
Tinatayang nasa 11,000 manggagawa't empleyado ang nanganganib mawalan ng trabaho oras na hindi ma-renew ang prangkisa at tuluyang maipasara ang kumpanya.
Sa ngayon, nasa kamay na raw ng mga mambabatas, na magdedesisyon sa legislative franchise, ang kanilang kapalaran.
Bagama't mahigit isang buwan na lang ang nalalabi bago mapaso ang franchise sa ika-30 ng Marso, nananatiling nakatengga sa Kamara sa mga panukalang batas na naglalayong ma-renew ito.
Una nang sinabi ng Senado na maglulunsad sila ng sariling pagdinig patungkol sa franchise kahit na hindi na hinihintay pa ang Kamara, na sadyang napakakupad sa sa pagkilos.