MANILA, Philippines — Hindi raw alintana ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang bilang ng mga reklamong inihain laban sa kanya, dahilan para hindi niya tanggapin ang ilang alok na maging political refugee sa ibang bansa.
'Yan ay kahit humaharap siya sa mahigit-kumulang 20 kaso. Ang ilan, mula sa gobyerno at mula rin sa kamag-anak mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dalawang bansa raw sa Europa ang nagbigay sa kanya ng nasabing option ngunit tinanggihan ito dahil namumulat na raw ang mga tao laban sa presidente.
"Oo, in-offeran ako... [Dumating ang alok] habang nasa labas at loob ako [ng bansa]," sabi niya sa panayam ng ANC sa Inggles, Miyerkules.
"Magalang akong tumanggi kasi hindi natin pwedeng iwanan ang labang ito. Lalo na ngayon, tulad ng sinabi ko, sa tingin ko nananalo tayo."
Bagama't "record-high" ang satisfaction ratings ng pangulo sa survey ng Social Weather Stations na inilabas nitong Enero, nananatili siyang "nakompromiso" na ang resulta noon o may ilang "sampling errors" na naglalayo sa totoong opinyong publiko.
"Kasangkapan lang [ang mga kaso] ng diktador para patahimikin ang oposisyon at takutin ang iba na huwag lumaban," kanyang patuloy.
'File and forget'
Aniya, "file and forget" lang ang mga kaso laban sa kanya at ginagamit daw ang mga ito para magipit ang isang kritiko.
Martes lang nang magbalik siya ng Pilipinas mula sa Estados Unidos para maglagak ng piyansa para sa kasong 'conspiracy to commit sedition' dahil sa diumano'y pag-ugnay niya sa presidente, kanyang pamilya at mga kaalyado sa kalakalan ng droga.
Idinidikit din si Trillanes, at marami pang opposition figures, sa diumano'y "Oplan Sodoma" para pabagsakin daw ang administrasyong Duterte.
Humaharap din si Trillanes sa kasong libelo na isinampa ni Davao City Rep. Paolo Duterte, na anak ng pangulo.
Sinabi noon ng nakababatang Duterte na sinisiraan daw ng dating senador ang kanilang pamilya sa isang panayam ng istasyon ng radyo sa Cebu.
Ano ang asylum?
Sa Article 14 ng Universal Declaration of Human Rights, ikinaklaro ng United Nationals General Assembly ang karapatan ng sinuman para lumikas mula sa "political persecution" na nararanasan sa sarili nilang bansa.
(1) Everyone has the right to seek and to enjoy in other countries asylum from persecution.
(2) This right may not be invoked in the case of prosecutions genuinely arising from non-political crimes or from acts contrary to the purposes and principles of the United Nations.
Ginagabayan naman ng 1951 Convention Relating to the Status of Refugees at 1967 Protocol Relating to the Status of Refugees ang mga bansa sa pagbabalangkas ng batas pagdating sa political asylum.
Isa sa mga kilalang Pilipino na naka-political asylum ay si Communist Party of the Philippines founder Jose Maria Sison, na kasalukuyang nasa Netherlands.