MANILA, Philippines — Maaaring magkaroon ng mas maikling summer vacation ang mga estudyante dahil inurong ng Department of Education ang mga school activities sa Marso o Abril na naunang nakatakda sa buwang ito ng Pebrero bilang pag-iingat laban sa coronavirus disease (COVID-19)
Sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na tumalima ang kanilang departamento sa mga panuntunang itinakda ng Department of Health na pumipigil sa pagdaraos ng mga event na pagtitipunan ng napakaraming tao. Inihalimbawa ni Briones ang mga regional athletic competition na maaari anyang makahatak ng hanggang 10,000 manonood.
“Ngayon, ipinagpapaliban namin ang mga February event pero muling itinakda ang mga ito sa Marso at Abril,” sabi ng kalihim sa isang pulong-balitaan sa Malakanyang kahapon. “Iba’t-ibang rehiyon ang magdaraos ng kanilang regional athletic meet na magbubunsod sa Palarong Pambansa na isang napakalaking athletic event sa bansa. Kaya iniskedyul na lang ang mga ito sa Marso at Abril.”
Nang tanungin kung ang pagbabago ng iskedyul ay magpapaiksi sa summer vacation ng mga estudyante, sinabi ni Briones, “Malamang dahil nag-forced vacation sila (mga estudyante) dahil sa mga trahedyang tulad ng pagputok ng bulkang Taal.”