Espenido nasa narcolist!

Sinabi ni Año na, batay sa mga impormante na hindi pinangalanan, kabilang si Espenido sa 357 opisyal ng pulisya na nasa drug watchlist ng pamahalaan.
Edd Gumban/ File

MANILA, Philippines – Kinumpirma kahapon ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na kasama sa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrobersiyal na police official na si Lt. Col. Jovie Espenido.

Sinabi ni Año na, batay sa mga impormante na hindi pinangalanan, kabilang si Espenido sa 357 opisyal ng pulisya na nasa drug watchlist ng pamahalaan.

“Oo, totoo iyan at sasailalim siya sa validation at posibleng imbestigasyon,” sabi ng kalihim sa isang viber message.

Sinasabi ng impormante na humiling na huwag siyang pangalanan na si Espenido at ang dalawang one-star general ay kabilang sa 357 police officer na natanggal sa kanilang puwesto at iniimbestigahan kaugnay ng bawal na gamot.

Hindi matandaan ni Año kung kailan napasama ang pangalan ni Espinido sa listahan pero sinabi niya na kabilang ang naturang police official sa second batch ng mga personalidad na hinihinalang kunektado sa iligal na droga.

Matagal na anyang alam ng Presidente na nasa watchlist si Espenido.

Si Espenido pa ang hepe ng pulisya ng Ozamiz nang mapatay sa anti-drug operation noong Hulyo 2017 ang ilang mi­yembro ng maimpluwensiyang pamilyang Parojinog at mga kasamahan ng mga ito na matagal nang hinihinalang sangkot sa kalakalan ng bawal na droga.

Si Espenido rin ang hepe ng pulisya sa Albuera, Leyte nang mapatay ang mayor nitong si Rolando Espinosa Sr. sa loob ng kulungan nito noong Nobyembre 2016.

Mailap sa pagsagot si Philippine National Police Chief Gen. Archie Francisco Gamboa sa tanong ng mga reporter hinggil kay Espenido.

Ayon naman kay Espenido, magsasalita lang siya kapag kinumpirma ni Gamboa na kasama siya sa listahan.

Show comments