MANILA, Philippines — Inilutang ni presidential spokesperson Salvador Panelo ang posibilidad na maibasura na rin ang Enhanced Defense Cooperation Agreement at Mutual Defense Treaty sa Estados Unidos ngayong gumugulong na ang termination ng Visiting Forces Agreement.
"Para maging consistent sa kanyang tindig, dapat mawala na lahat nang iba pang tratado [sa US] kung pagbabasehan ang kinikilos niya [Duterte]," sagot ng tagapagsalita ng pangulo nang tanungin sa MDT at EDCA, Huwebes.
"Kasi kapag sinabi mo na, 'Kailangan nating tumayo [sa sariling paa], huwag umasa,' ibig sabihin kailangan nating palakasin kung ano ang meron tayo. Hindi natin kailangan ng ibang bansa."
Ang MDT, na sinang-ayunan ng Senado noong 1952, ay nagsisilbing kasunduan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas para depensahan ang isa't isa para mapanatili ang seguridad sa rehiyon Pasipiko.
Ayon sa Article I ng kasunduan:
"In order more effectively to achieve the objective of this Treaty, the Parties separately and jointly by self-help and mutual aid will maintain and develop their individual and collective capacity to resist armed attack."
Inianak ang VFA noong 1998 bilang pagtalima ng Pilipinas at Amerika sa mga obligasyon nila sa isa't isa sa ilalim ng MDT.
Sa ilalim ng VFA, maya't maya maaaring bumisita ang mga sundalong Amerikano sa Pilipinas, nang walang pasaporte at visa, at ipinepwera sa kapangyarihan ng Pilipinas oras na lumabag sa batas.
Pinapayagan naman ng EDCA ang pagtatayo at pagpapatakbo ng mga tropang Amerikano ng kanilang mga pasilidad sa loob ng mga base militar ng Pilipinas.
Nilikha ang EDCA sa loob ng konteksto ng VFA. Dahil dito, aminado si Panelo na maaaring maging sunod na hakbang na ni Duterte ang pagsasawalam-bisa nito.
"Katulad nga ng sinasabi ko, 'yun ang lohika. Hindi ko alam kung darating pa roon," sabi niya.
Aminado naman si Panelo na hindi niya pa personal na naitatanong si Duterte tungkol sa pagbabasura sa MDT at EDCA.
Sinisilip ngayon ng Senado ang MDT at EDCA, at mukhang aantayin lang daw ni Duterte ang magiging rekomendasyon ng Mataas na Kapulungan kung tuluyan na ba itong ipapawalambisa.
Sa kabila nito, hindi naman hiningi ni Duterte ang palagay ng Senado pagdating sa VFA.
Matatandaang niratipikahan ng Senado ang VFA bilang isang tratado, habang kinikilala lang ito ng Amerika bilang executive agreement.
Amerika 'mas nirespeto' ang Pilipinas
Giit pa ng Palasyo kanina, tila mas nirerespeto ngayon nina United States President Donald Trump ang Pilipinas ngayong pinili ni Duterte na tuluyang putulin ang VFA.
"Oo. Tiyak 'yan [na mas nirerespeto nila tayo]. Bakit? Naipakita natin na hindi natin sila kailangan," sabi pa ng Malacañang.
"Kailangan mong alalahanin na malapit sa atin ang mga tinitignang kaaway ng US. Kailangan nila tayo. Bentahe sa kanila kapag kasama tayo nila eh."
Aniya, oras na magkaroon ng labanan ay posible raw kasing magamit ng Estados Unidos ang Pilipinas upang madaling manutralisa ang atake ng kanilang mga kalaban.
Sinasabi 'yan ng Palasyo kahit na nauna nang sinabi ni Trump na keber lang sa kanila na puputulin na ang VFA. Makatitipid daw sila kung nagkataon.
"If they would like to do that, that's fine, we'll save a lot of money," sabi ni Trump sa mga reporters sa White House, ayon sa ulat ng AFP.
Nakatatanggap kasi nang malaking military aid ang Pilipinas mula sa Amerika, maliban sa nakikinabang ang bansa sa kalakhan ng pondong ipinapadala sa Asya-Pasipiko.