MANILA, Philippines — Pinababawi ng ilang kongresista ang travel ban na ipinataw ng gobyerno laban sa Taiwan.
Ayon kay Iligan Rep. Frederick Siao, dapat hindi makialam ang Department of Health (DOH) sa isyu ng foreign policy pagdating sa pakikitungo sa COVID-19.
Paliwanag ni Siao, ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan ang dapat kumilos pagdating sa nasabing mga hakbangin.
Dapat din umanong paniwalaan ng DOH at Department of Foreign Affairs (DOF) ang MECO.
Iginiit pa ng kongresista na mas advance ang Taiwan pagdating sa usaping pangkalusugan at ang COVID-19 na sitwasyon doon ay contained naman kaya dapat alisin ang travel ban sa nasabing bansa.
Hindi rin umano dapat gawing political na basehan ng DOH para hindi isama sa ban ang Taiwan dahil hindi ito paglabag sa One China policy.
Kinuwestyon naman ni House Minority leader Benny Abante ang pagsasama ng gobyerno ng travel ban ng Taiwan gayung doble ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 dito ang nasa Singapore.
Sa halip na Taiwan ay dapat ang Singapore umano ang isama sa travel ban dahil may 43 kaso ng nasabing virus dito kumpara sa Taiwan na 18 lang.
Kaya tanong ni Abante sa DOH, ano ang basehan nila sa travel ban sa Taiwan gayung hindi naman ito isinama ng World Health Organization (WHO).
Dahil dito kaya umapela rin ang minority leader sa gobyerno na alisin na ang travel ban sa Taiwan dahil maraming OFWs ang apektado.
Samantala, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ipapaabot kay Pangulong Rodrigo Duterte ang hirit ng gobyerno ng Taiwan na ikonsidera ang ipinataw na ban.
Hindi rin naman natinag ang Palasyo sa banta ng Taiwan na reresbak umano dahil sa naging aksiyon ng gobyerno na travel ban sa nabanggit na bansa.
Nagbanta kasi ang Taiwan na babawiin nito ang visa free entry sa mga Pinoy.