'Cash gifts' pabuya ng Pasig LGU sa mga graduating honor students

Makatatanggap ng mula P500 hanggang P3,000 ang mga estudyanteng magtatapos nang may honor sa mga pampublikong elementarya at senior high school sa Pasig.
Mula sa Twitter account ni Vico Sotto

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Pasig Mayor Vico Sotto na aprubado na sa kanilang lungsod ang ilang insentibo para sa mga estudyanteng mag-aaral nang husto. 

"#justsigned. Resolution approving the grant of cash gifts to our ES and HS students graduating with Honors!" sabi ng bagitong alkalde sa ilang social media post.

"Salamat sa Sangguniang Panlungsod sa pag-apruba nito."

Makatatanggap ng mula P500 hanggang P3,000 ang mga estudyanteng magtatapos nang may honor sa mga pampublikong elementarya at senior high school sa Pasig.

Sabi ng resolusyon, bahagi ito ng kanilang pagtalima sa Local Government Code of 1991 na bigyan ng de kalidad na edukasyon at batayang serbisyong susuporta sa pag-aaral ang kanilang nasasakupan:

"[S]chool authorities wil be conferring to graduating students certificates completion of their respective curricula and awarding medals of distinction and other incentives to graduating students who distinguished themselves in ther academic work."

Aniya, dati nang nagbibigay ng iba't ibang tulong ang kanilang pamahalaang lungsod sa mga public school students para paabot ng kabataang Pasigueños ang kanilang mga pangarap.

Bibigyan ng sumusunod na cash rewards honor students ng graduating class of 2019-2020:

Elementarya

  • with highest honors (P1,500)
  • with high honors (1,000)
  • with honors (P500)

Senior High School

  • with highest honors (P3,000)
  • with high honors (P2,000)
  • with honors (P1,000)

Dati nang umani ng paghanga si Sotto at ang kanilang local government unit dahil sa pagreregularisa ng mga empleyado sa Pasig City Hall, na pawang 20 taon nang naninilbihan.

Matatandaang namagitan at kumampi rin noon si Sotto sa mga nagwewelgang manggagawa ng Regent at Zagu.

Show comments