MANILA, Philippines — Pormal nang naghain si Solicitor General Jose Calida ng quo warranto petition sa Korte Suprema para bawiin ang prangkisa ng ABS-CBN Corporation at maging ng subsidiary nito, ABS-CBN Convergence Inc.
Iginiit ni Calida ang sinasabing “abuses” sa prangkisa ng ABS-CBN na mapapaso na sa Marso. Sa ngayon ay hindi pa rin tinatalakay ng House of Representatives ang ilang mga pinasang panukala para ma-renew ang license to operate ng kompanya.
Ayon kay Calida na ang ABS-CBN ay “elaborately crafted corporate veil” para umano payagan ang mga foreign investors na maging parte ng nagmamay-ari sa kumpanya.
Dagdag pa ni Calida na ang ABS-CBN ay lumabis umano “beyond the scope of its legislative franchise” para sa “broadcasting for a fee.”
Sinabi naman ng ABS-CBN sa pahayag nito na ang mga alegasyon ng OSG ay walang merito. “Sinusunod ng ABS-CBN ang lahat ng batas kaugnay ng prangkisa nito at nakakuha na ito ng lahat ng kailangang government at regulatory approvals para sa business operations.
Iginiit pa ng ABS-CBN na ginawa nito ang lahat ng kailangan alinsunod sa batas. “Wala kaming nilabag na batas. Ang kasong ito ay lumilitaw na pagtatangkang ipagkait sa mga Pilipino ang mga serbisyo ng ABS-CBN.”
Pinuna pa ng ABS-CBN na wala sa oras ang pagsasampa ng quo warranto dahil balik na sa sesyon ang Kongreso na dumidinig sa panukalang-batas para sa renewal ng prangkisa ng kumpanya.