MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque na hindi pa naki-cremate kahapon ang kauna-unahang pasyente sa Pilipinas na namatay dahil sa novel coronavirus (2019 nCoV) noong nakaraang Linggo.
Sa pagdinig ng Senate committee on health and demography, sinabi ni Duque na umaayaw ang mga crematorium operators sa pag-cremate sa 44-taong gulang na Chinese patient.
Karamihan aniya sa mga tumangging crematoriums ay pinapatakbo ng mga Chinese operators.
Sinabi pa ni Duque na naka-sealed ang body bag na pinaglagyan sa katawan ng pasyente at tiniyak na hindi makakalabas ang virus.
Nauna rito napaulat na sinabi ng National Health Commission ng China na dapat i-‘ban’ ang anumang uri ng funerals at mga kahalintulad na aktibidad sa mga bangkay ng mga namatay dahil sa nCoV.
Dapat aniya ay i-cremate kaagad ang bangkay sa gitna nang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nakakaroon ng virus.
Ang namatay na pasyente at kasama ng babaeng Chinese na unang napaulat na nagpositibo sa nCov. Sinabi naman ni Duque na may nakausap na silang punerarya na pumayag na i-cremate ang pasyente.
Sinabi ni Duque na ilan sa mga Chinese ang nagsabi na dapat na ilibing o icremate subalit bigla na lamang nagbabago.
Wala ring malinaw na dahilan ang mga Chinese sa kanilang pagba-back out sa cremation.
Tatlong araw nang patay ang 44 anyos na lalaking Chinese na ikalawa sa nagpositibo sa coronavirus. Sinasabing kasintahan ito ng Chinese na babaeng unang kaso ng virus.
Dumating sa bansa ang magkasintahan noong Enero 21 mula Wuhan na epicenter ng virus’ outbreak. Malou Escudero