MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Ombudsman na ma-dismiss sa serbisyo ang tatlong opisyal ng Bureau of Corrections dahil sa diumano'y maanomalyang pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance Law.
Kasama sa mga tinanggal sa sebisyo sina Corrections Technical Service Officer 2 Ramoncito Roque, Corrections Sr. Insp. Maria Belinda Bansil at Custodial Officer Veronica Buño.
Iniuugnay ang maanomalyang pagpapatupad ng GCTA sa pagpapalaya sa halos 2,000 "heinous crime convicts," na hindi saklaw ng GCTA.
Ayon pa sa Ombudsman, napatunayang nagkasala ang tatlo sa mga kasong administratibo gaya ng "grave miosconduct" at "conduct prejudicial to the best interest of the service" dahil sa pagtanggap nila raw ng suhol mula sa misis ng isang preso kapalit ng kalayaan ng kanyang mister.
Setyembre 2019 nang humarap sa Senado si Yolanda Camelon, na tumestigong sinigil siya ng P50,000 ng ilang opisyal ng New Bilibid Prison para lumabas ng kulungan ang kanyang asawa. Positibong tinukoy ni camelon sina Bansil, Roque at Buño.
Sa hilaway na resolusyon, nakakita rin ang Ombudsman ng probable cause para magsama ng kasong "graft" at "indirect bribery" laban sa tatlo sa Muntinlupa Regional Trial Court, dahil pa rin sa pagbebenta ng GCTA.
In a separate resolution, the @OmbudsmanPh also found probable cause to file cases of graft and direct bribery against Roque, Bansil and Buño before the Muntinlupa RTC still in connection with the "GTCA for sale" anomaly. @PhilippineStar pic.twitter.com/vFsJ5V8drw
— Elizabeth T. Marcelo (@marcelo_beth) January 29, 2020
Ang GCTA ay kasangkapan sa batas na nagbabawas ng sintensya sa mga presong magpapakita ng magandang asal sa loob ng kulungan.
Maliban sa pagkakatanggal sa serbisyo, matatanggalan din ng retirement benefits, pagkakakansela ng kanilang civil service eligibility at habambuhay na diskwalipikasyon sa public office ang mga nabanggit.
Iniimbestigahan pa rin ng Ombudsman ang 27 iba pang BuCor officials na isinasangkot sa kwestyonableng pagpapatupad ng GCTA law o Republec Act 10592.
Ang mga nabanggit ay kasalukuyang nasa anim na buwang suspensyon simula pa noong Setyembre.
Matatandaang naging kontrobersyal ang GCTA law matapos lumabas ang ugong-ugong na mapapakawalan sa kalaboso si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez gamit ang batas.
Si Sanchez ay napatunayang nagkasala sa panghahalay at pagpapapatay kina Eileen Sarmenta at Allan Gomez, mga estudyante ng University of the Philippines Los Baños. — may mga ulat mula kay The STAR/Elizabeth Marcelo