MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Civil Aviation Board at Civil Aviation Authority na aabot sa 500 turista mula sa Wuhan, na pinagmulan ng kinatatakutang novel coronavirus (2019-nCoV), ang pababalikin ng kanilang bansa ngayong Linggo.
Umakyat na sa 25 ang namamatay kaugnay ng nasabing sakit, habang 830 na ang kasong nakukumpirmang nahawaan.
Sa ulat ng CNN Philippines, sinabi ni Civil Aviation Board executive director Carmelo Arcilla na dumating ang mga nasabing turista sa Kalibo, Aklan.
Aniya, lilipad pabalik ng Wuhan sa pamamagitan ng Royal Air Charter at Pan Pacific Airline ang mga bisita sa Biyernes ng gabi, Sabado at Lunes.
Kasalukuyang suspendido ang mga flights at biyahe ng tren mula sa tatlong lungsod sa gitnang Tsina, kasama ang Wuhan na may 11 milong populasyon, bunsod ng outbreak.
Suspendido rin ngayon ang mga biyahe mula at papuntang Pilipinas galing Wuhan, sabi ng CAB.
Sa kabila nito, inilinaw ni Arcilla na may permiso silang dalhin doon ang mga banyaga sa dahilang taga Wuhan naman sila.
Ilang oras bago suspindihin ang mga biyahe mula at papuntang Wuhan, sinabi ni Aklan Provincial health officer Cornelio Cuachon na 135 dayuhan ang pumasok sa Pilipinas.
Wala pa namang naqua-quarantine o idinadala sa mga ospital sa mga nabanggit na Tsino sa dahilang hindi pa sila nagpapakita ng mga sintomas ng sakit, gaya ng lagnat.
Kahapon nang kumpirmahin ni Civil Aviation Authority of the Philippines spokesperson Eric Apolonio na ire-repatriate ang 500 lumapag sa Kalibo International Airport.
On Thursday, Civil Aeronautics Board Director Carmelo Arcilla announced that it would suspend all flights to and from Wuhan, China, after the city was put on lockdown following the Novel Coronavirus outbreak.
— Philstar.com (@PhilstarNews) January 24, 2020
Read story here: https://t.co/dHpoHa9wPH pic.twitter.com/3Fw6VCyjfs
Matatandaang sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi pa raw nakikita ng gobyerno ang pangangailangan na i-ban ang pagdating ng mga turista mula Wuhan papasok ng Pilipinas.
'Wala pang public health emergency'
Samantala, sinabi naman ng World health Organization na masyado pang maaga para sabihing may "Public Health Emergency of International Concern" (PHEIC) kaugnay ng 2019-nCoV.
"Totoo. Emergency ito sa Tsina, pero hindi pa ito nagiging global health emergency," sabi ni WHO director-general Tedros Adhanom Ghebreyesus sa Inggles.
Dati nang isineklara ang PHEIC para sa mga virus haya ng H1N1 (swine flu) nong 2009, polio noong 2014, ebola noong 2014, zika noong 2015 at kivu ebola epidemic noong 2019.
Maliban sa Tsina, may mga ilang kumpirmadong kaso na rin sa Thailand, Japan, South Korea at Estados Unidos.
"Nirererkomenda namin ang exit screening at sa mga paliparan bilang bahagi ng komprehensibong set ng containment measures. Lahat ng bansa ay dapat magpatupad ng mga measures para ma-detect ang mga kaso ng coronavirus, maging sa mga health facilities," sabi pa ni Ghebreyesus.