MANILA, Philippines — Nagbabala ang Department of Health sa publiko mula sa pagbili't pagkain ng mga isdang manggagaling ng Lawa ng Taal at probinsya ng Batangas, kasunod ng nangyaring phreatic eruption sa nasabing bulkan.
"Definitely meron po tayong mga advisory na lahat ng nanggagaling diyan sa area ng Taal at Batangas, dapat po talaga, wala nang bibili," sabi ni Health Assistant Secretary Ma. Francia Laxamana sa isang press briefing, Martes.
"Hindi po natin maaasahan ‘yung safety ng ating mga mamamayan."
DOH Asec Lasamana also warns the public from buying and consuming fish that is caught from Taal, even the famous "tawilis" which is only endemic to the Taal Lake.
— Gillian Cortez (@gmcortez_) January 14, 2020
Prior to the Taal unrest, the tawilis has already been under the threat of extinction. @bworldph
Sabi pa ni Laxamana, maaaring mauwi sa "food poisoning" ang pagkain ng nasabing mga isda.
Kung makakakain nito, ilan daw sa mga dapat abangang sintomas ang pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagdudumi.
Inaasahang 6,000 fish cages mula sa lawa ang mapipinsala ng bulkan, na pinagkukuhanan ng isdang tawilis at tilapia, ayon sa inisyal na pagtatasa ng Department of Agriculture.
"[T]inatayang nasa 15,033 metric tons ang production loss dahil inaasahan ang fishkill sa Taal Lake dahil sa mataas na sulfur content dulot ng volcanic eruption, sabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources," wika pa ng DA sa Inggles.
Sa kabila nito, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na maaaring hindi sulfur ang magsanhi ng fishkill ngunit ang dami ng bato at abong tumilapon sa lawa.
Aniya, maaari raw mahirapang huminga ang mga isda sanhi nito.
Kahapon nang iulat nadagdagan ng P10 kada kilo ang presyo ng tilapia sa merkado dahil sa pagbaba ng ipinadadalang suplay nito mula Talisay at Agoncillo, na may kaugnayan din sa pag-aalboroto ng bulkan.
Sa kabila nito, sinabi ng DA na sapat pa rin ang suplay ng tilapia na maaaring i-source mula sa Pampanga at Bataan. — may mga ulat mula sa BusinessWorld