N95 masks, relief goods handog ng Chinese Coast Guard sa Taal victims

'Yan ay kahit na kilala ang Chinese Coast Guard sa diumano'y pantataboy ng mga Pilipinong mangingisda sa Panatag Shoal.
Philstar.com/Patricia Lourdes Viray

MANILA, Philippines — Naghandong ng sari-saring donasyon ang Chinese Coast Guard para sa mga nasalanta ng ashfall at mga paglindol dulot ng Bulkang Taal sa probinsya ng Batangas, Martes.

Isinagawa ito ng CCG kasabay ng pagdaong ng kanilang 5204 vessel sa South Harbor, Port Area sa Maynila.

Kabilang sa mga ipinagkaloob ng mga Tsino ang 600 na N95 masks, bigas at mantika.

Kasalukuyang nagkakaubusan ng N95 mask, surgical masks at iba pang klase ng masks sa mga tindahan at botika dahil sa delikadong epekto ng abo mula sa Taal sa kalusugan ng tao.

Bagama't sinabi ng Department of Health na pwedeng gumamit ng surgical mask bilang alternatibo kontra ashfall, sinabi naman ng Philippine Red Cross na hindi ito maituturing na respiratory protection.

Dapat daw ay N95 mask ang gamitin, o 'di kaya'y surgical mask na may tawalang piraso ng tissue sa loob.

"Hindi nagbibigay ng mapagkakatiwalaang lebel ng proteksyon [ang surgical mask] mula sa paglanghang ng maliliit na airborne particles," sabi ng Red Cross sa Inggles.

'Goodwill' mula sa kaagawan ng teritoryo?

Malugod na sinalubong ng Philippine Coast Guard si CCG director general Maj. Gen. Wang Zhongcai sa Pilipinas kahit na mahaba ang kasaysayan ng girian ng mga Pilipino at Tsino sa West Philippine Sea.

Sa Pilipinas in-award ng Permanent Court of Arbitration ang West Philippine Sea taong 2016, ngunit patuloy na iginigiit ni Chinese President Xi Jinping na kanila ito sa nakaraang bilateral meeting kasama si Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 2019.

Kilala rin ang coast guard ng Tsina sa panggigipit ng mga Pilipino sa laot, gaya na lang ng nakunang video noon ng crew ng GMA News noong sumakay sila sa bangka ng mangingisdang Pinoy sa Panatag Shoal.

Ang Panatag Shoal ay nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Matatandaang ikwinento rin ng mga Pilipinong mangingisda sa dokumentaryong inilabas ng opposition leader na si Neri Colmenares kung paano sila tabuyin ng Chinese Coast Guard sa Panatag, na kilala rin sa tawag na Scarborough Shoal.

Show comments